April 05, 2025

Home BALITA Eleksyon

Arlene Brosas, kinondena umano'y 'misogynistic remarks' ni Jimmy Bondoc kay Gretchen Ho

Arlene Brosas, kinondena umano'y 'misogynistic remarks' ni Jimmy Bondoc kay Gretchen Ho
Photo courtesy: Arlene Brosas (FB)/Screenshots from One PH (YT)

Mariing kinondena ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang umano'y "misogynistic remarks" ng senatorial aspirant-singer na si Atty. Jimmy Bondoc habang kinapapanayam ni TV5 host Gretchen Ho bilang pagkilatis sa mga kumakandidatong senador para sa 2025 National and Local Elections (NLE) sa Mayo.

Si Bondoc ay nasa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

"Mariing kong kinokondena si senatorial candidate Jimmy Bondoc sa kanyang misogynistic remarks kay TV reporter Gretchen Ho, matapos siyang matanong tungkol sa kanyang naging pahayag kung saan tinawag niyang 'face of injustice' si Pastor Apollo Quiboloy," mababasa sa Facebook post ni Brosas, Lunes, Pebreo 17.

"Hindi na nakakagulat ang kabastusan ni Bondoc dahil nagmula siya sa partido ni Duterte, na kilalang-kilala sa pambabastos sa kababaihan. Kapag naiipit sa usapan, idinadaan sa sexist na biro para makalusot at gawing katawa-tawa ang seryosong pagtatanong ng media. Hindi ito dapat palampasin!"

Eleksyon

Ilang election paraphernalia ng Comelec, inilagak sa isang bahay sa Davao City

"Walang puwang sa Senado ang ganitong asal. Kung ang isang kandidato sa pagka-senador ay hindi kayang magbigay ng respeto sa kababaihan, hindi siya karapat-dapat maglingkod sa bayan. Panahon na para magkaroon tayo ng mas mataas na pamantayan sa pagiging lider—at isa rito ang pagpapakita ng respeto at pagpapahalaga sa kababaihan at mga bata."

"We demand a public apology from Jimmy Bondoc. Kung hindi niya kayang igalang ang kababaihan, paano niya magagampanan ang tungkulin bilang mambabatas? Let me be the one to say this—those who cannot respect women have no business seeking public office," aniya pa.

Pinalagan ni Brosas ang naging umano'y pahayag ni Bondoc sa panayam sa kaniya sa "Morning Matters with Gretchen Ho" na "To quickly settle the issue... Ayaw kitang kaaway, masyado kang maganda eh. Let the courts decide. Although I hope they will set bail soon kasi bailable naman 'yong most of the cases na na na-file against him," patungkol sa kapwa kandidato sa pagkasenador na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader-founder Pastor Apollo Quiboloy.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag patungkol dito si Bondoc. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.