Iginiit ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na pagbibiro at bahagi lamang umano ng “political propaganda” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang naging pahayag niyang papatay na lamang siya ng 15 senador upang magkaroon ng puwesto ang walo nilang kandidato para sa Senado sa 2025 midterm elections.
Matatandaang sa isinagawang proclamation rally ng PDP-Laban nitong Huwebes, Pebrero 13, nagbigay ng pahaging si Duterte ukol sa kasalukuyang mga senador para raw magkaroon ng puwesto sa Senado ang walo nilang senatorial candidates sa PDP-Laban.
“Ngayon, marami kasi sila, ano'ng dapat na gawin natin? Edi patayin natin yung mga senador ngayon para mabakante. Kung makapatay tayo ng mga 15 senador, pasok na tayong lahat. Pero kawawa naman. Pero nakakainis kasi yung–hindi naman lahat. Talking of opportunities, the only way to do it is pasabugin na lang natin 'yang ano,” saad ng dating pangulo.
MAKI-BALITA: FPRRD para magkapuwesto raw PDP-Laban senatorial slate: ‘Patayin natin mga senador ngayon…’
Dahil dito, nagpahayag ng pagkondena ang ilang mga kongresista at nanawagan sa NBI na imbestigahan ang naging pahayag ni FPRRD.
MAKI-BALITA: Pahayag ni FPRRD sa umano'y pagpatay sa 15 senador, kinondena ng ilang mambabatas
Sa isa namang panayam nitong Lunes, Pebrero 17, sinabi ni NBI Director Santiago na kilala si FPRRD sa panahon ng administrasyon nito sa naturang pagsasalita kaya’t maituturing umanong bahagi lamang ng kaniyang “political propaganda” ang binitawan niyang salita sa nasabing proclamation rally.
“Nakikita ko, rhetorics lang niya. Part lang ng kanilang political propaganda,” aniya. “Ang binantaan, 15 senador, hindi naman natin malaman kung sino sa sitting senators, or yun bang mga kakandidatong senators.”
Samantala, iginiit din ni Santiago na dapat umanong ang mga senador ang magreklamo ukol sa naturang pahayag ng dating pangulo, at hindi raw si Rep. Zia Alonto Adiong at iba pang kongresistang nananawagan sa NBI na mag-imbestiga.
“Mawalang-galang kay Cong. Adiong at sa iba pang congressman natin, nagi-instigate sila na mag-imbestiga ang NBI, hindi naman sila yung tinatakot eh, [kundi] yung mga senador. Dapat yung senador, kung sinuman, sila ang magreklamo kung alam nilang sila yung tinatakot na ipapapatay,” giit ni Santiago.
Ayon pa sa NBI director, malaki raw ang pagkakaiba ng naturang pagsasalita ni FPRRD kung ikukumpara sa inaksyunan nilang pahayag ng anak nitong si Vice President Sara Duterte na patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
“Masyadong magkaiba. The joke of [former] President Digong was delivered in a political rally, yung pagkaka-deliver naman ni Vice President Sara ay nagpatawag talaga siya ng presscon at pinangalanan niya kung sino yung mga dapat patayin: the President, the First Lady, and the Speaker of the House. At sinabi pa niya: ‘No joke. No joke,” ani Santiago.
“Contrary, dito sa deklarasyon ni [dating] Presidente Digong, kitang-kita ng tao na nagjo-joke lamang siya, part lamang ng rhetorics ng political speech,” saad pa niya.
Matatandaang kamakailan lamang nang irekomenda ng NBI na kasuhan na si VP Sara ng 'sedisyon at grave threat' matapos ang imbestigasyon sa kontrobersyal na mga pahayag nito laban kina PBBM, FL Liza at Speaker Romualdez.
MAKI-BALITA: NBI, inirekomenda kasong 'sedisyon at grave threat' laban kay VP Sara