February 23, 2025

Home SHOWBIZ Pelikula

National Artist Ricky Lee at ‘Ex Ex Lovers’ stars Marvin-Jolina, nakiisa sa Sine Sinta 2025

National Artist Ricky Lee at ‘Ex Ex Lovers’ stars Marvin-Jolina, nakiisa sa Sine Sinta 2025
Photo: MJ Salcedo/BALITA

Nagsilbing special guests sina National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee at “Ex Ex Lovers” loveteam Jolina Magdangal at Marvin Agustin sa talkback session matapos ang free screening ng classic film “Labs Kita...Okey Ka Lang?” sa The Metropolitan Theater nitong Linggo, Pebrero 16, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Sine Sinta 2025.

Sa ginanap na talkback session, shinare ni Jolina na huli nilang napanood nang magkasama ni Marvin ang 1998 film nilang “Labs Kita…Okey ka lang” nang i-restore taong 2021.

“Individually, nakikita ko siya sa online, and sa Jeepney Channel at CinemaOne,” ani Jolens.

“At kapag nakikita ko, naaalala ko ulit yung feelings ko dati,” hirit pa niya na nagpatili naman sa audience.

Pelikula

Pelikula ni Maris Racal, wagi sa 75th Berlin International Film Festival

Sumundot naman si Marvin sa sinabi ni Jolina ng: “Sarap naman non,” na lalong nagpasigaw sa mga manonood.

“Yung feelings kung paano tayo nagtatrabaho dati,” pagtutuloy ni Jolens.

Para naman kay Marvin, 16 o 17 years old lamang sila noon ni Jolina nang i-shoot nila ang film, at masaya raw silang hanggang ngayon ay naa-appreciate pa rin ito ng younger generation.

“[We were] 17-18 years old when we did this film, naglalaro but at the same time gustong makagawa ng magandang pelikula. And for you guys to appreciate this film 28 years after, it’s a blessing,” saad ni Marvin.

“Masarap sa pakiramdam bilang performer, bilang filmmaker. Gusto naming gumagawa ng ganito laging pelikula pero hindi laging nagla-land sa mga actors ang ganitong magagandang pelikula. Kaya every time there is one na nagawa namin or gagawin, masayang masaya kami,” dagdag niya.

Ibinahagi naman ni National Artist Ricky Lee, ang screenwriter ng “Labs Kita… Okey Ka Lang?”, na una pa lang ay sina Jolina at Marvin daw talaga ang target na bibida sa iconic film dahil sa chemistry na dala ng mga ito mula pa noong 90s.

“Alam ko na na silang dalawa ang gagawan ng pelikula. Alam naman ng tao yung chemistry nilang dalawa. Actually yung pelikula, halos ang nagdala, chemistry nilang dalawa all throughout,” saad ni Lee.

Unang ipinalabas noong 1998, ang “Labs Kita… Okey ka lang?” ay tungkol sa mag-bestfriend na sina Bujoy at Ned na na-inlove sa isa’t isa. Galing sa rom-com movie na ito ang sikat na linyang: "Oh yes, kaibigan mo ako, kaibigan mo lang ako. And I'm so stupid to make the biggest mistake of falling in love with my best friend!”

Handog ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at The Metropolitan Theater, at sa pakikiisa ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), ABS-CBN Sagip Pelikula at Star Cinema, libreng ipinalabas sa publiko ang remastered version ng “Labs Kita...Okey Ka Lang?” bilang bahagi ng Sine Sinta at Mga Hiyas ng Sineng Filipino.

Isinagawa rin daw ang nasabing event bilang pakikiisa sa Pambansang Buwan ng mga Sining at Araw ng mga Puso ngayong buwan ng Pebrero.

Kaugnay nito, sa eksklusibong panayam ng Balita ay sinabi ni Lee na mahalaga ang pagpapalabas nang libre ng mga pelikula upang mas mapayabong pa ang industriya ng pelikulang Pilipino.

“Lahat ng mga event na gaya nito na ginagawa ng FDCP, ng MET, even ng CCP, tuwing dinadala nila yung pelikula sa mga manonood, I think napakahalagang bagay yun na lalo na sa panahong ito na namamahalan ang tao sa ticket sa sinehan at nagdu-dwindle na yung mga nanonood. I think kailangang dalhin mo sa kanila yung pelikula na dapat na ginagawa ngayon,” ani Lee.

“Mahalaga rin na okasyon ng buwan ng pag-ibig kasi in the end, everything naman is about love. Gaya nong nobela kong ‘Para Kay B’ na i-stage nila ngayong March sa Ateneo. So parang in the end makikita natin na lahat ng bagay, mula pelikula hanggang buhay natin, hanggang mga trabaho natin, in the end ang lahat nagpapatakbo ay pag-ibig,” saad pa niya.