Pinaalalahanan ni Mayor Honey Lacuna ang lahat ng regular na kawani ng Manila City Hall na huwag sumawsaw sa politika.
"Be apolitical," paalala sa kanila ng alkalde sa pagsisimula ng campaign season para sa national election habang papalapit naman ang panahon ng kampanyahan para sa local polls.
Sa kaniyang mensahe sa regular flag raising ceremony sa Kartilya ng Katipunan, hinikayat din ni Lacuna ang mga kawani ng pamahalaan upang pangalagaan ang kanilang posisyon sa hindi pakikisali sa partisan politics.
"Gusto ko pong paalalahanan ang bawat isang kawani, lalo na po ang mga may hawak ng permanent item. Pumasok na po ang campaign period ng national elections at sa ilang linggo ay magsisimula na din ang campaign period ng local elections. Lagi po nating isaisip na bilang mga permanent na kawani ng lungsod ng Maynila o kahit na anong lungsod, mahigpit po nating ipinapaalala sa inyo na dapat tayo po ay apolitical," ayon sa alkalde.
Sinabi ni Lacuna na sa kabila na may pinili ng kandidato ang bawat isa sa national at local elections, dapat ding itanim ng mga ito sa kanilang isipan na bawal silang mangampanya o ikampanya ang isang kandidato.
Binalaan din ng lady mayor ang mga kawani na gamitin ang social media upang ikampanya ang kaniyang kandidato, dahil manganganib ang kaniyang posisyon sa gobyerno.
“Bawal po 'yun. Hindi naman po bawal na ipahayag ang damdamin pero mag-ingat po kayo. Paalala lang po ito sa bawat isang kawani ng pamahalaang-lungsod. Mag-ingat po kayo lalo na sa social media kasi minsan, hindi po natin mapigilan ang ating sarili na ipahayag ang ating mga kagustuhan pero dapat ay proteksyunan ninyo ang inyong posisyon sa pamahalaan," giit ni Lacuna.