Direktang binuweltahan nina senatorial aspirants Luke Espiritu at Leody De Guzman ang naging pasaring umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. tungkol sa iba pang mga kandidato na “taga bili lang ng suka.”
Sa campaign rally nina De Guzman at Espiritu noong Linggo, Pebrero 16, 2025, tahasan nilang iginiit na “takot” umano sa debate ang senatorial slate ni PBBM na Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
“Pinabili kami ng suka? Eh bakit ayaw nila lumaban sa amin sa debate? Tagabili lang pala kami ng suka eh. Kinatatakutan kami sa debate, absent sila. Tapos mayroon pa silang lakas ng loob mangutya," saad ni Espiritu.
Dagdag pa ni Espiritu, wala raw magandang maidudulot ang 12 kandidato ng Alyansa kapag nakapasok ang mga ito sa senado.
"Eh ipagsama-sama mo yung mga utak ng lahat ng 'yan. 'Pag sama-sama mo, walang mabuting madudulot sa Senado mga 'yan," ani Espiritu.
Tinawag naman ni De Guzman na "duwag" ang nasabing senatorial lineup ng kasalukuyang administrasyon at sinabing wala aniyang kayang maibigay na solusyon sa problema ng bansa.
“Eh mga duwag naman sila eh. Okay lang sila sa pasayaw-sayaw, pakanta-kanta, pakuha-kuha ng artista. Pero wala naman silang ma-offer sa problema ng bansa,” ani De Guzman.
Saad pa ni De Guzman, “Ilang beses na silang nagpapalit-palit sa gobyerno, pabalik balik nalang. Merong limang beses na bumalik sa Senado, wala naman kayong nagawa para sa bayan. Wala naman kayong nagawa para sa mahihirap.”
Matatandaang nagpahaging si PBBM sa kanilang campaign rally noong nakaraang Linggo nang igiit niyang para lang umanong pinabili ng suka ang ilang kandidato dahil sa kuwalipikasyon ng mga ito na kumandidato.
KAUGNAY NA BALITA: Espiritu, sinagot patutsada ni PBBM tungkol sa mga kandidatong nag-deliver lang ng suka