Nagbigay ng posisyon ang senatorial aspirant na si Atty. Jimmy Bondoc hinggil sa isyu ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Sa isang episode ng “Morning Matters with Gretchen Ho” nitong Lunes, Pebrero 17, sinabi niya na ang POGO raw ay hindi PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corporation) matter.
“It is a police matter,” saad ni Bondoc. “Paano natin sila mapapaalis without violating human rights? ‘Yan ang number one. Number two, ‘yong POGO when I said it is not inherently bad, I’m not saying it is also inherently good.”
Dagdag pa niya, “I’m just saying it’s neutral. It’s an industry. Call center siya. Noong kami po ang nagpapatakbo niyan, puro call center ‘yan dito. Ang nagsusugal ibang bansa. Hindi talamak ang gambling sa Pilipinas.“
Matatandaang sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Hulyo 2024 ay idineklara niya ang pagpapatigil sa operasyon ng POGO sa Pilipinas.
Ngunit ayon sa ulat ng Bureau of Immigration, may 11,000 pa rin umanong ex-POGO workers na nasa loob ng bansa.
MAKI-BALITA: PBBM, idineklara pag-ban ng lahat ng POGO sa PH