Inihayag ng Department of Health (DOH) na posible pa umanong dumami ang bilang ng mga lugar sa bansa na magdedeklara ng "dengue outbreak" bunsod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng dengue cases.
Sa panayam ng isang programa sa radyo kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo nitong Lunes, Pebrero 17, 2025, tinatayang nasa walong lugar pa raw sa bansa ang inaasahan nilang magdedeklara ng dengue outbreak.
"Mayroon pang walo kaming area na hinihintay na mag-declare [ng dengue outbreak]. Tatlong rehiyon kasi yung tumaas ang numero," ani Domingo.
Kaugnay ito ng naging deklarasyon ng lokal na pamahalaan ng Quezon CIty na nagdeklara ng dengue outbreak noong Biyernes, Pebrero 15.
KAUGNAY NA BALITA: Quezon City, nagdeklara ng dengue outbreak
Ayon pa kay Domingo, malaki umano ang naging papel ng maagang pagpasok ng pag-uulan, dahilan upang magkaroon daw ng lungga ang mga lamok.
"Ang kakaiba kasi rito (ay) iyong talagang maagang pagpasok ng ulan. Hindi siya panahon ng tag-ulan. Pero iyong tinatawag na shear line, Intertropical Convergence Zone (ITCZ), at easterlies, dumadami yung buhos ng tubig; at kapag dumami ang buhos ng tubig, talagang naiipon iyan sa paligid, kaya dumarami rin ang mga lamok," ani Domingo.
Samantala, nanawagan din ang ahensya sa publiko hinggil sa pag-iingat sa dengue.
“So as early as kapag dalawa o tatlong araw hindi pa nawawala yung lagnat at mataas pa rin, kumuha ho kayo ng temperature. Kapag napansin na hindi bumababa kahit binibigyan ng paracetamol at naglalaro pa rin sa 39-40 degrees, magpakonsulta na ho sa isang health center o ospital para masigurado kasi may test para diyan,” anang DOH secretary.