“Me quota ang pag-ibig. Sa bawat limang umiibig, isa lang ang magiging maligaya. Kasama ka ba sa quota?”
Masasaksihan na nang “flesh and blood” ang mga karakter ng nobela ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee na “Para Kay B” dahil mapapanood na ang theatrical adaptation nito sa Marso.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Lee ang kaniyang excitement sa nalalapit na pagpapalabas sa teatro ng "Para Kay B" at mabigyang-buhay ang kaniyang mga karakter dito.
“Just the mere fact na makikita mo na flesh, actual na mga tao, lahat, sina Ericka, sina Irene, sa harap mo, nagsasalita. Yung hinihingahan nila, hinihinga mo rin na hangin in the same place. I think that’s a very big difference already from just reading the novel,” ani Lee.
Ibinahagi rin ng national artist ang magiging setup ng play kung saan mas magfo-focus naman daw ito sa perspektibo ng writer na karakter na si “Lucas.”
“Mas ifo-focus nila doon sa play yung pinagdadaanan ng isang writer sa paggawa nong limang love stories. So mas punto-de bista na ngayon ng writer, ni Lucas. Pero nandoon pa rin lahat yung kuwento ng lima, nandoon pa rin yung confrontation ng mga character kay Lucas.
“Mahusay yung mga actors and actresses na kinuha nila sa stage play kaya ako mismo ay excited na makita kung paano nila bubuhayin sina Ericka at sina Irene," aniya.
Ayon pa sa national artist, hinihingian at nagbibigay rin siya ng komento pagdating sa pagbuo ng play ng "Para Kay B." Ngunit binibigyan rin daw niya ng kalayaan ang buong production ng theatrical adaptation upang maikuwento ang nobela sa kanilang sariling lente.
“Tumatawag sila, nagtatanong… mostly ganoon. Nagko-comment ako at idinadaan nila sa akin. Pero gusto kong magkaroon sila ng freedom to own the material para ikuwento nila sa kanilang paraan."
Mapapanood ang theatrical adaptation ng “Para Kay B” sa mga araw ng Biyernes, Sabado at Linggo mula Marso 14 hanggang 30, 2025, sa Doreen Black Box Theater sa Ateneo de Manila University.
“Sana panoorin ninyo itong theatrical adaptation ng Para Kay B ngayong March dahil iba pa rin ang makita natin flesh and blood sa harap natin na binubuhay yung mga characters na generally I think in a way marami na sa inyo ang nakabasa na ng nobela. Pero iba pa rin itong experience na ‘to. So sana panoorin ninyo,” saad ni Lee.
Available na ang ticket para sa theatrical play, kung saan maaaring makabili sa pamamagitan ng link na: www.ticket2me.net.
Inilathala noong 2008, ang “Para Kay B” ang unang nobela ni Lee. Umiikot ito sa iba’t ibang kuwento ng pag-ibig ng limang babae: sina Irene, Sandra, Erica, Ester, at Bessie. May sequel din ang nobela na pinamagatang “Lahat ng B” na inilathala naman noong 2022.