Ikinuwento ng on-screen partners na sina Marvin Agustin at Jolina Magdangal kung paano lumalim ang kanilang samahan bilang mag-loveteam mula noong 90’s hanggang sa kasalukuyan.
Nitong Linggo, Pebrero 16, nang libreng ipinalabas sa The Metropolitan Theater ang 1998 romcom film nina Marvin at Jolina na “Labs Kita… Okey Ka Lang?” kung saan naging special guests sila sa talkback session kasama ang screenwriter ng pelikulang si National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee.
BASAHIN: National Artist Ricky Lee at ‘Ex Ex Lovers’ stars Marvin-Jolina, nakiisa sa Sine Sinta 2025
Pagkatapos ng event, personal na nakapanayam ng Balita sina Marvin at Jolina, at dito ikinuwento ng mag-loveteam kung paano nagbago ang dynamics nila bilang mga aktor mula nang i-shoot ang “Labs Kita… Okey Ka Lang?” hanggang sa comeback movie nilang “Ex Ex Lovers” ngayong 2025.
“Sa akin, ngayon, mas may lalim yung dynamics. Kasi siguro yung pinagdaanan namin, ini-enjoy namin. Yung friendship namin, mas lumalim. So mas iba yung connection kaysa sa dati,” ani Jolens.
“But yung feel at yung kilig at happy na mararamdaman ninyo ay nandoon pa rin.”
Sinabi naman ni Marvin na kung babalikan daw ang mga pinagdaanan nila ni Jolina, napapangiti raw siya dahil nararamdaman niya kung paano talagang lumalim ang kanilang samahan.
“Alam n’yo kami, napapangiti kami kasi nararamdaman namin yung pagkakaiba noong loveteam namin dati at love team ngayon.”
“Bukod doon sa lalim, ang sarap lang makita kung paano nag-journey, kung paano nag-age. Ang sarap niyang ikumpara kasi kami, tingin namin dati, malalim na kami. Tingin namin dati, yung mga pinagdadaanan namin [ay] serious, pero looking back now, parang ang petty petty,” pagbabahagi ni Marvin.
“Pero okay pa rin na pinagdaanan, kasi yun ang kabataan. Pero yung panahon ngayon, ang sarap kasi may ini-involve na kaming younger generation.”
Sinabi rin ng aktor na masaya silang makitang pinapanood ng younger generation ang mga dati nilang pelikula tulad ng “Labs Kita… Okey Ka Lang?” hanggang sa bago nilang pelikulang “Ex Ex Lovers” para maipakita rin ang mga leksyon ng realidad sa paglipas ng panahon.
“Ang sarap for younger generation na makita yung pelikula namin dati at yung ngayon, na ang buhay, kapag nandoon ka sa situation na yun, parang ang seryo-seryoso na. Pero don’t take it so seriously kung anuman yung pinagdadaanan ninyo kasi marami pa kayong magaganda at pangit na pagdadaanan pero kinakailangan talaga ‘yan para maging buong tao kayo,” ani Marvin.
“So nakita namin dito yung journey namin as mag-loveteam, kung paano kami nabuo at nandito na sa Ex Ex Lovers,” dagdag niya.
Nagpasalamat din sina Jolens at Marvin sa lahat ng mga sumusuporta sa loveteam nila mula pa noong 90s.
Bukod dito, nagbigay rin ng mensahe di Jolens sa mga kabataan lalo na sa aspiring filmmakers. Aniya, mas magandang panoorin ang iba’t ibang klase ng pelikula upang mas magkaroon sila ng ideya ng mga gusto nilang gawin pagdating sa filmmaking.
“Magandang makapanood kayo ng ganitong mga klaseng pelikula katulad ng Ex Ex Lovers kasi hindi lang niya ibinalik kung ano ang foundation dati tapos ipinakita mo ngayon. Pwede mo rin siyang lagyan din ng kung ano-anong klaseng mga pakinang o anumang decor para sa isang bagay, ibig sabihin lang non, magandang nag-eevolve. Kaya kung manonood kayo ng mga ganito, mas ma-eeducate or mas magkakaroon kayo ng idea na pwede ninyong gawin kung sakaling madecide-an ninyo na magpepelikula kayo,” ani Jolens.
“And huwag n’yo lang kakalimutan yung values ng isang pamilya, ng isang Pilipino, dahil isa yan sa mga secret na mga nagawa natin na pelikula, na nagpapakita kami ng kung anong totoong nangyayari lalo na sa Pilipinong teenager at sa tao,” saad pa niya.
Mula Pebrero 13, showing na ang "Ex Ex Lovers" sa mahigit 200 cinemas nationwide.