Ipinagmalaki ng dating senador at tumatakbong nominee ng "Mamamayang Liberal (ML)" partylist na si Leila De Lima ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na naging topnotchers sa Licensure Examination for Teachers (LET).
Sa X post ni De Lima ngayong Lunes, Pebrero 17, bilang may akda raw ng 4Ps Law, nakatataba raw ng puso na makarinig ng kuwento ng tagumpay mula sa mga benepisyaryo nito, lalo na't nanggaling pa ito sa Bicol.
"Bilang may-akda ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Law, nakakataba ng puso ang makarinig ng mga kwento ng tagumpay—mga estudyanteng nakapagtapos, nakahanap ng trabaho, at natutulungan ang kanilang pamilya dahil sa tulong ng programang ito," ani De Lima.
"Proud po ako na ilan sa mga topnotchers sa nakaraang LET ay mga 4Ps beneficiaries at mga kababayan pa natin sa Bicol. Tunay na inspirasyon kung paano nila naabot ang kanilang mga pangarap."
"Tulad pa rin po ng dati, kasama niyo ako at ang buong ML Partylist sa patuloy na paglaban para sa kapakanan ng mga nasa laylayan," aniya pa.
