Dinipensahan ng reelectionist na si Sen. Bato Dela Rosa si dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa naging pahayag nito na “patayin” ang 15 senador para raw magkaroon ng puwesto sa Senado ang walo niyang senatorial candidates sa ilalim ng partidong PDP-Laban.
Sa isang ambush interview kay Dela Rosa nitong Linggo, Pebrero 16, 2025, diretsahan niyang iginiit na nagbibiro lamang aniya si FPRRD nang banggitin ang naturang kontrobersiyal na pahayag.
“Hay! Hanggang ngayon... ‘di pa n’yo kilala si Pangulong Duterte, ‘no? Hanggang ngayon, ganoon pa rin? Ganoong statement, bigyan n’yo ng weight? Klaro naman ‘yon na biro,” ani Dela Rosa.
Matatandaang nagbigay ng pahaging si FPRRD ukol sa kasalukuyang mga senador para raw magkaroon ng puwesto sa Senado ang walo niyang senatorial candidates sa ilalim ng partidong PDP-Laban.
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD para magkapuwesto raw PDP-Laban senatorial slate: ‘Patayin natin mga senador ngayon…’
Dagdag pa ni Dela Rosa, hindi raw kailangan ianunsyo ng dating Pangulo ang naturang plano kung tunay ang sinasabi nito.
“Kung talagang totoo... gusto niyang pumatay ng 15 na senador, bakit niya i-announce? Klarong-klaro na nagpapatawa siya,” anang senador.
Samantala, nagpahayag na rin ng kaniyang saloobin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at sinabing nakapagtataka umano na ganoon daw ang nakikitang solusyon ni FPRRD.
“Narinig lang natin no’ng isang araw, wala daw pag-asa siguro... wala silang pag-asa kaya papatay na lang sila ng 15 senador. Sabagay, mahirap naman ang ibang tao, ang iniisip lang nila ang kaisa-isang solusyon sa lahat ng problema ay pumatay pa ng Pilipino. Nakakapagtaka kung bakit ganoon,” anang Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, may pinatutsadahan? 'Ang iniisip nila, kaisa-isang solusyon ay pumatay pa ng Pilipino?'