Kinondena ng Makabayan bloc ang naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pagpatay umano sa 15 senador upang maipasok ang senatorial lineup ng PDP-Laban.
Sa isang pahayag na inulat ng Manila Bulletin nitong Linggo, Pebrero 16, iginiit ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na mapanganib at hindi dapat gawing biro ang “pagpatay.”
“[They are] dangerous and show the true nature of how they view political opposition—as targets for elimination,” giit ni Castro.
“Hindi biro ang pagpatay. Hindi biro ang terorismo. Ang mga ganitong pahayag ay nagpapakita ng tunay na kulay ng kanilang pamamahala — na mistulang nagpapatay o pumapatay ng sinumang kumakalaban sa kanila,” saad pa niya.
Iginiit naman ni Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas na tapos na ang mga Pilipino sa naturang mga uri ng pananalita ni Duterte.
“No amount of violent rhetoric and threats can shield the Dutertes from accountability for thousands of lives lost and the systematic corruption under their watch,” giit ni Brosas.
Matatandaang sa isinagawang proclamation rally ng PDP-Laban nitong Huwebes, Pebrero 13, nagbigay ng pahaging si Duterte ukol sa kasalukuyang mga senador para raw magkaroon ng puwesto sa Senado ang walo nilang senatorial candidates sa PDP-Laban.
“Ngayon, marami kasi sila, ano'ng dapat na gawin natin? Edi patayin natin yung mga senador ngayon para mabakante. Kung makapatay tayo ng mga 15 senador, pasok na tayong lahat. Pero kawawa naman. Pero nakakainis kasi yung–hindi naman lahat. Talking of opportunities, the only way to do it is pasabugin na lang natin 'yang ano,” saad ng daling pangulo.
MAKI-BALITA: FPRRD para magkapuwesto raw PDP-Laban senatorial slate: ‘Patayin natin mga senador ngayon…’