Dumipensa si Star for All Seasons Vilma Santos Recto sa mga alegasyon sa kaniya at mga anak na sina Kapamilya TV host-actor Luis Manzano at Ryan Christian Recto, kaugnay ng pagiging halimbawa umano nila ng "political dynasty."
Matatandaang noong Oktubre 2024 nang maghain ng kandidatura sa bilang Governor ng Batangas si Vilma habang Vice Governor naman ang inihain ng aktor na si Luis. Nag-file din ng kandidatura ang bunsong anak na si Ryan Christian Recto na nag-aasam namang maging Representative ng District 6 ng naturang lalawigan.
KAUGNAY NA BALITA: Vilma Santos at dalawang anak, naghain na ng kandidatura; raratsada sa liderato sa Batangas
Sa kanilang talumpati sa Barako Festival 2025, iginiit ng batikang aktres na hindi na raw nila pinapansin ang mga batikos na ibinabato sa kanila.
"With all honesty, we don't entertain that. We are here to serve, and people will judge us," saad ni Vilma.
Dagdag pa niya, "In politics, it's damned if you do and damned if you don't. You do good, may sasabihin sayo. You do bad, may masasabi pa rin sayo. Pero para pagkatiwalaan ka ng tao, palagay ko yun ang priceless. Yung ang legacy mo ng walang camera."
Nagpahayag din ng mensahe si Luis at sinabing pawang paglilingkod lang umano sa mga Batangueno ang kanilang hangad.
"We submitted ourselves to the electoral process. Basta ang hangad namin ay yung paglilingkod namin sa bawat Batangueno. Kung saan papunta ang mga pangarap namin sa paglilingkod, kung saan gusto naming ilagay ang puso namin, nakasalalay sa botante yun," anang aktor.
Sinang-ayunan naman ni Ryan ang kaniyang kapatid at iginiit din na ang desisyon daw sa pagpili sa kanila ay nasa mga botante na aniya.
"I think my brother said it perfectly naman. We are here to serve the people, and the choice will always be theirs," ani Ryan.
Samantala, nabanggit din ni Luis ang mga endorsement niyang nag-back out matapos niya raw ianunsyo ang kaniyang pagtakbo sa pagka-Bise Gobernador.
"Katunayan tatlo or apat na sa endorsements ko ang nag-pull out na. Sabi ko naman 'naiintindihan ko naman yun.' Sabi ni Gov. Vi, 'anak mabawasan ka man ng commercial, mabawasan ka man ng endorsements, mas masarap tulog mo, dahil marami kang matutulungan na tao," saad ni Luis.