Napagkamalang aktres na si Marjorie Barretto ang asawa ni dating Senador Bam Aquino makaraang magbahay-bahay sila sa Quezon City sa gitna ng campaign period para sa 2025 midterm elections.
Sa isang X post noong Huwebes, Pebrero 13, ibinahagi ni Bam ang isang video kung saan makikitang nilapitan ng kaniyang asawang si Timi Aquino ang dalawang residente ng Quezon City na may hawak na tshirt na may print na pangalan nila ni dating Senador Kiko Pangilinan.
“Ang ganda n’yo po, Ma’am Marjorie,” anang isang ginang kay Timi.
“Ay ayun po si Ma’am Marjorie,” sagot naman ni Timi habang itinuturo ang direksyon ni Marjorie na kasama rin nila nang mga oras na iyon na mangampanya.
“Ay kasi magkamukha eh,” saad naman ng ginang.
“Ay! Si Nay, na-confuse na,” hirit ni Marjorie. “‘Di ba, noong na-realize nya na hindi ako si Marjorie, bigla niya akong nilayasan.”
Pagkatapos nito, ipinakita rin sa video ang paglapit ni Marjorie sa kanila. Ani Timi sa ginang: “Ito na po ang power na supporter. Si Ma’am Marjorie.”
Sa naturang post ni Bam ay nagpasalamat siya kay Marjorie sa pagsama raw nito sa pagbabahay-bahay para ikampanya siya.
“Si Timi napagkamalang si Marjorie Barretto. Maraming salamat, Marjorie, sa pagsama sa unang House to House natin,” saad ni Bam sa post.
Sa pagsisimula ng campaign period noong Martes, Pebrero 15, nagtungo sina Timi at Marjorie sa Barangay Krus na Ligas sa Diliman, Quezon City upang mamahagi ng mga flyer at poster para ikampanya si Bam na susubok muling magkaroon ng puwesto sa Senado sa paparating na halalan.
Nakatakdang ganapin ang 2025 midterm elections sa darating na Mayo 12, 2025.