February 15, 2025

Home BALITA National

Sen. Bato, willing magpakamatay sa WPS para patunayang ‘di siya pro-China

Sen. Bato, willing magpakamatay sa WPS para patunayang ‘di siya pro-China
(Photo courtesy: Sen. Bato dela Rosa/FB)

Iginiit ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na handa siyang magpakamatay sa West Philippine Sea (WPS) upang mapatunayan daw na hindi siya “pro-China.”

Sa isang panayam ng mga mamamahayag sa gitna ng proclamation rally noong Huwebes, Pebrero 13, iginiit ni Dela Rosa na wala naman umanong ibang nagsasabing pro-China silang mga senatorial candidate ng PDP-Laban, bukod daw kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Pro-China? Sinong nagsasabing pro-China kami o POGO (Philippine Offshore Gaming Operators)? Aside from doon sa sinabi ng pangulo sa speech niya, sige, sinong ibang nagsasabing pro-China kami?” giit ni Dela Rosa.

Matatandaang sa proclamation rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas noong Martes, Pebrero 11, iginiit ni Marcos na wala umano sa kaniyang mga iniendorsong kandidato sa pagkasenador ang nasangkot sa ilegal na giyera kontra droga o Oplan Tokhang, korapsyon noong Covid-19 pandemic, at pumapanig sa China at POGO.

National

Bulkang Kanlaon, 8 minutong nagbuga ng abo!

MAKI-BALITA: PBBM, ibinida senatorial slate niya: 'Wala sa kanila ang may bahid ng dugo sa Tokhang!'

“Ako, prangkahin ko kayo. Willing akong magpakamatay diyan sa West Philippine Sea kung sasabihin nila na pro-China ako. Willing ako makipaggiyera diyan sa West Philippine Sea,” ani Dela Rosa.

“Sasabihin n’yo pro-China? Hinahamon ko na nga sila. Kung gusto nila, bibigyan ko sila ng baril at bala, atakihin natin 'yang mga nambu-bully sa West Philippine Sea,” dagdag pa niya.

Kasama si Dela Rosa sa walong senatorial candidates ng PDP-Laban, kung saan kasama niya sina Senador Bong Go, Philip Salvador, Atty. Raul Lambino, Atty. Jesus ‘Jayvee’ Hinlo, Atty. Jimmy Bondoc, SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta at Pastor Apollo Quiboloy.

Samantala, iniendorso naman ni Marcos sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sina dating DILG Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abigail Binay, Senador Pia Cayetano, dating senador Ping Lacson, Senador Lito Lapid, Senador Imee Marcos, dating Senador Manny Pacquiao, Senador Bong Revilla, dating Senate president Tito Sotto, Senador Francis Tolentino, ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo at Las Piñas Rep. Camille Villar.