Nagdeklara ng Dengue outbreak ang lokal na pamahalaan ng Quezon City kasunod ng patuloy umanong pagtaas ng bilang ng dengue cases sa naturang lugar.
Batay sa inilabas na datos ng City Epidemiology and Surveillance Division (CESD), pumalo na sa 1,769 ang kaso ng dengue sa kanilang lugar mula Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2025.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, mga bata umano ang kalimitang tinatamaan ng dengue sa kanilang lugar.
"Mga bata ang karamihan sa mga nagiging biktima ng nakamamatay na sakit na ito. Kaya nananawagan ako sa mga kapwa ko magulang na sama-sama nating protektahan ang ating mga anak laban sa dengue," anang alkalde.
Nanawagan din si Belmonte sa mga magulang hinggil sa pakikilahok sa clean-up drive sa kanilang komunidad.
"Maging alerto tayo sa mga nararamdaman ng ating mga anak at manguna sa mga clean-up drive sa ating mga komunidad," ani Belmonte.
Dagdag pa ng CESD, tinatayang 58% ng kabuuang bilang ng reported dengue cases sa lugar mula edad (5-17 taong gulang) habang nasa 44% naman ang edad (1-10 taong gulang.)
Iginiit din ni Belmonte ang kahalagahan ng agarang pagkonsulta sa health center kung sakali raw na makaramdam ng sintomas ng dengue.
"QCitizens, kung may nararamdaman na kayong sintomas ng dengue tulad ng lagnat, sakit ng ulo, at pananakit ng kasu-kasuan, pumunta na kayo agad sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar," saad ni Belmonte.