Iginiit ni senatorial aspirant at Pambansang Kamao Manny Pacquiao ang pagkakaroon umano ng nuclear power plant ng bansa upang maging tugon sa krisis ng kuryente.
Sa press briefing ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa Davao Del Norte nitong Sabado, Pebrero 15, 2025, kung saan kabilang si Pacquiao, inihayag niyang malaki umano ang nawawala sa bansa bunsod ng kakulangan sa supply ng kuryente at pawang nuclear power plant umano ang solusyon dito.
“Dito sa ating bansa, 'yan ang number one problema natin yung power supply, kaya nagdadalawang isip yung mga namumuhunan o yung mga investors na pumasok dahil yun nga may problema tayo sa power supply. Syempre alam naman natin 'pag ka problema 'yan eh malaking kawalan o disadvantage sa negosyo 'pag ka laging nagba-brownout,” ani Pacquiao.
Giit niya, mainam umanong magkaroon muli ng nuclear power plant ang Pilipinas, katulad ng mga nasa iba umanong mauunlad na bansa.
“So para sa akin, dapat mayroon tayong talagang sarili nating nuclear power plant, like yung sa Bataan. Kasi kung ganito nang ganito tayo, mabagal. Talagang mabagal pa sa pagong yung pagiging development ng ating bansa kapag wala tayong ganoong sistema,” anang Pambansang Kamao.
Dagdag pa niya, “Not like other countries na yun talagang progresibo at developed talaga yung country nila because talagang doon sila naka-focus. Sabi ko nga, talagang kailangan saan mang sulok ng bansa natin, lalo na sa mga highly organized city, yung mga fiber optic cable, papalitan na para hindi na magkakaroon ng problema.”
Si Pacquiao ay kabilang sa 12 senatorial aspirants na ineendorso ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para sa 2025 midterm elections. Matatandaang noong 2022 nang tumakbo si Pacquiao bilang Presidente ng bansa kasama si noo’y House Deputy Speaker Lito Atienza.