Para kay Iloilo 3rd district Rep. Lorenz Defensor, 10/10 ang kumpiyansa niyang tuluyang mapapatalsik si Vice President Sara Duterte sa puwesto kapag nilitis na ang impeachment complaint nito sa Senado.
Base sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Defensor, isa sa 11 kongresistang itinalaga ng House of Representatives na usigin si Duterte, na mula 1 hanggang 10 ay “10” ang rating niya sa posibilidad na ma-impeach ang bise.
“For my article, I’ll give you a 10," ani Defensor, na tinutukoy ang pitong articles of impeachment na isinampa laban kay Duterte sa impeachment complaint na direktang ipinadala ng Kamara sa Senado noong Pebrero 5.
Hindi naman binanggit ng kongresista kung anong partikular na artikulo ang naitalaga sa kaniya.
Samantala, matatandaang kasama sa mga alegasyong ibinabato kay Duterte na nakapaloob sa pitong artikulo ng impeachment ang umano’y pagsasabwatan upang patayin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.; malversation ng P612.5 milyong confidential funds nito; unexplained wealth at failure to disclose assets; at pagkakasangkot sa extrajudicial killings (Davao Death Squad).
Kamakailan lamang ay sinabi ni Senate President Chiz Escudero na nakatakdang litisin ng Senado ang ipinasang impeachment complaint ng Kamara laban kay Duterte pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos sa Hulyo.
MAKI-BALITA: Impeachment trial kay VP Sara, sisimulan pagkatapos ng SONA – SP Chiz
Sa isasagawang impeachment trial ng Senado, kinakailangan ng two-thirds na boto, o 16 sa 24 senador, upang tuluyang mapatalsik si Duterte sa puwesto.