Nagbigay ng reaksiyon si senatorial aspirant at labor leader Atty. Luke Espiritu ang patutsada ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. tungkol sa ilang kandidato sa 2025 midterm elections.
Matatandaang sa ginanap na proclamation rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas kamakailan ay sinabi ni PBBM na ang iba raw na kandidato ay parang nag-deliver lang ng suka.
Aniya, “Nagtataka nga ako parang ang iba na naging kandidato nag-deliver lang yata ng suka nabigyan na ng certificate of candidacy dahil walang ikukumpara sa ating mga kandidato.”
Kaya sa ginanap na “Tayo 2025 The Senatorial Debate” noong Huwebes, Pebrero 13, sinagot ni Espiritu ang pahayag na ito ng pangulo.
Ayon sa kaniya, “Sinasabi ni Marcos na kami raw ay pinahatid lang ng suka tapos nagkaroon na raw kami ng COC [certificate of candidacy]. Subukan lang ni Bongbong Marcos makapasok kami sa senado, subukan niya lang.”
“Gugulong ang ulo ng lahat ng political dynasty. Gugulong ang ulo ng lahat ng mga Marcos senators at Duterte senators,” dugtong pa ni Espritu.