Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Biyernes, Pebrero 14, na ang shear line, easterlies, at Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang inaasahang magdudulot ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms ang Batanes at Babuyan Islands dahil sa shear line o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin.
Malaki rin ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Bicol Region, Eastern Visayas, Mainland Cagayan, Isabela, Aurora, at Quezon dulot ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.
Maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa Northern Mindanao, Caraga, at Davao Region dahil sa ITCZ.
Posible ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa o landslide sa mga nasabing lugar kung magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan ding magdudulot ang ITCZ ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Mindanao.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng Mindanao bunsod pa rin ng easterlies.
Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Samantala, inihayag ng PAGASA na walang direktang epekto ang namataang low pressure area (LPA) sa timog-kanluran ng Pagasa Island, Kalayaan, Palawan sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), at maliit daw ang tsansang mabuo ito bilang bagyo.