February 14, 2025

Home BALITA Eleksyon

VP Sara, inendorso senatorial slate ng PDP-Laban

VP Sara, inendorso senatorial slate ng PDP-Laban
(Courtesy: VP Sara Duterte/FB; SMNI/FB)

Opisyal nang inendorso ni Vice President Sara Duterte ang walong senatorial candidates ng PDP-Laban, na partido ng kaniyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi man nakarating sa proclamation rally sa San Juan City nitong Huwebes, Pebrero 13, nagpadala si VP Sara ng mensahe na binasa ng event hosts na sina Giselle Sanchez at Eric Nicolas. 

“Kaisa ng ating mga kababayang patuloy na naghahangad ng isang magandang kinabukasan, ipinapaabot ko ang aking pasasalamat sa inyong pagpupunyaging magbigay-daan sa isang tunay at makabuluhang pagbabago,” ani Duterte.

“Iboto po natin sa darating na halalan ang ating mga reelectionist senators na sina Senators Bato Dela Rosa at Senator Christopher ‘Bong’ Go. Isama po natin sina Philip Salvador, Atty. Raul Lambino, Atty. Jesus ‘Jayvee’ Hinlo, at Atty. Jimmy Bondoc. At syempre po, ang ating matibay na partner sa kongreso na si SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta at si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC),” dagdag pa niya.

Eleksyon

Dela Rosa, ibinahagi dasal niya para sa PDP-Laban: ‘Lord, sana po bigyan mo kami ng lakas’

Nagpasalamat din ang bise presidente sa naturang walong kandidato sa pagkasenador sa ilalim ng PDP dahil daw sa kanilang “pagtanggap sa tawag ng serbisyo-publiko sa kabila ng mga hamong kaakibat nito.” 

“Ako ay nagtitiwalang nasa taong bayan ang kapangyarihang baguhin ang kasalukuyang takbo ng ating bayan sa pamamagitan ng pagboto sa mga taong karapat-dapat, tapat at matiyagang maglilingkod sa bayan,” ani VP Sara. 

“Kasama ninyo kaming nagdarasal para sa tagumpay ng ating mga adbokasiya, alang-alang sa kapakanan ng ating mga komunidad at kapwa Pilipino,” saad pa niya.

Matatandaang kamakailan lamang ay ibinahagi ni VP Sara na pinag-iisipan pa niya kung makabubuti o makasasama sa mga kandidato sa 2025 midterm elections ang pag-endorso niya sa mga ito.

MAKI-BALITA: VP Sara, pinag-iisipan pa kung ‘makakabuti o makakasama’ sa kandidato pag-endorso niya

Noong Pebrero 5, 2025 nang i-impeach si VP Sara ng House of Representatives, at, ayon kay Senate President Chiz Escudero kamakailan, nakatakda itong litisin ng Senado pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo. 

MAKI-BALITA: Impeachment trial kay VP Sara, sisimulan pagkatapos ng SONA – SP Chiz

Sa isasagawang impeachment trial ng Senado, kinakailangan ng two-thirds na boto, o 16 sa 24 senador, upang tuluyang mapatalsik si Duterte sa puwesto. 

Inirerekomendang balita