February 14, 2025

Home BALITA Eleksyon

Dela Rosa, ibinahagi dasal niya para sa PDP-Laban: ‘Lord, sana po bigyan mo kami ng lakas’

Dela Rosa, ibinahagi dasal niya para sa PDP-Laban: ‘Lord, sana po bigyan mo kami ng lakas’
(Courtesy: Sen. Bato dela Rosa/FB)

Ibinahagi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na hinayaan daw ng kanilang Duterte-wing party na PDP-Laban ang “kabila” na magsagawa ng proclamation rally noong unang araw ng campaign period noong Martes, Pebrero 11, at sa halip, ang ginawa raw niya sa naturang araw ay magsimba at magdasal sa Diyos.

Sa kaniyang talumpati sa proclamation rally ng PDP-Laban slate sa San Juan City nitong Huwebes, Pebrero 13, inihayag ni Dela Rosa na nagsimba siya noong Pebrero 11 kasama ang kapwa niya senatorial candidate sa ilalim ng PDP-Laban na si Atty. Jimmy Bondoc sa National Shrine of Our Lady of Lourdes sa Quezon City.

“Wala po tayong ginawa. Pinauna natin yung kabila, sige mag-proclaim kayo diyan. Kami, mga dehado naman kami, dito lang kami after 2 days, today kami magpo-proclamation,” ani Dela Rosa.

“Hinayaan natin sila. Ang ginawa namin ni Atty. Jimmy Bondoc, pumunta kami sa simbahan.”

Eleksyon

VP Sara, inendorso senatorial slate ng PDP-Laban

Binanggit din ng senador na tulad daw ng ginagawa nila noong sundalo pa lamang siya, kung saan humihingi muna sila ng gabay sa Diyos bago sumabak sa “laban” kontra National People’s Army (NPA)

“Kami po ay nagsimba doon, kasi we believe na bago ka sasabak sa pinakaimportanteng bagay, kagaya noong kami ay mga sundalo pa… gina-gather ko yung mga tao ko, kami lahat nagdadasal,” saad ni Dela Rosa.

“Kaya kami ni Atty. Jimmy Bondoc, we decided to go to church. Nagsimba kami at humingi ng blessing kay Lord. Sana, Lord, yung aming campaign period, kaming lahat ng team PDP-Laban plus yung aming mga adopted members ng aming partido, sana po bigyan mo kami ng lakas. Bigyan mo kami ng magandang kalusugan para matapos namin ang aming kampanya,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi rin ng senador na kahit ang “kabila” raw ang nauna sa proclamation rally noong Pebrero 11, wala raw ginawa ang mga ito kundi tirahin ang kanilang partido.

“Sila yung nauna. Wala nang ginawa kundi tira nang tira sa atin. Tahimik na nga kami. We were giving you the moment. Sa inyo na yang February 11, at sa amin ang February 13. Pero bakit tayo tinitira?” giit ni Dela Rosa.

“Ibig bang sabihin, takot sila sa atin? Isa lang ang indicator diyan, kasi kung insignificant opposition tayo, ‘O bakit ko pakialaman kung sino sino sila? Bahala kayo. Mga insignificant kayo’.”

“Pero the mere fact that no less than the President of the Republic of the Philippines ang tumitira, ibig sabihin, we are somebody,” saad pa niya.

Matatandaang sa proclamation rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas noong Martes, Pebrero 11, iginiit ni Marcos na wala umano sa kaniyang mga iniendorsong kandidato sa pagkasendor ang nasangkot sa ilegal na giyera kontra droga o Oplan Tokhan at maging sa korapsyon noong Covid-19 pandemic. 

MAKI-BALITA: PBBM, ibinida senatorial slate niya: 'Wala sa kanila ang may bahid ng dugo sa Tokhang!'