February 13, 2025

Home BALITA National

Sen. Bato sa kanilang mga tagasuporta: 'Yan ang mga taong may prinsipyo!'

Sen. Bato sa kanilang mga tagasuporta: 'Yan ang mga taong may prinsipyo!'
(Courtesy: Sen. Bato dela Rosa/FB)

Tinawag ni Senador Bato dela Rosa na “mga taong may prinsipyo” ang mga patuloy na sumusuporta sa kanila kahit na sila raw ay nasa “oposisyon.”

Sa kaniyang talumpati sa proclamation rally ng PDP-Laban slate nitong Huwebes, Pebrero 13, nagpasalamat si Dela Rosa sa mga dumalo sa kanilang pagtitipon at patuloy raw na sumusuporta kahit sila ay “oposisyon” ng kasalukuyang administrasyon.

“Nagpapasalamat ako sa inyo kahit na tayo ay nasa oposisyon, kayo’y nandito pa rin. Hindi kayo tumalon sa kabila. Hindi ninyo kami dini-disown, bagkus kayo’y nandito pa rin sumusuporta sa amin,” ani Dela Rosa. 

“‘Yan ang mga tao na may prinsipyo… Kaya ako’y sumasaludo sa inyo,” dagdag niya.

National

PCO chief Cesar Chavez, naka-leave sa susunod na linggo

Iginiit din ng senador na hindi raw siya lilipat ng kampo at mananatili sa panig ng PDP-Laban at ng pamilya Duterte.

“Bahala kayong makasira—makabungi, basta hindi ako lilipat ng kampo. Itaga n’yo sa bato,” saad ni Dela Rosa.

Sa naturang talumpati ay binuweltahan din ni Dela Rosa ang naging patutsada raw sa kanila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa nagdaang proclamation rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas noong Martes, Pebrero 11.

“Sila yung nauna. Wala nang ginawa kundi tira nang tira sa atin. Tahimik na nga kami. We are giving you the moment. Sa inyo na yang February 11, sa amin ang February 13. Pero bakit tayo tinitira? Ibig bang sabihin, takot sila sa atin? Isa lang ang indicator diyan, kasi kung insignificant opposition tayo, ‘O bakit ko pakialaman kung sino sino sila? Bahala kayo. Mga insignificant kayo’,” ani Dela Rosa.

“Pero the mere fact that no less than the President of the Republic of the Philippines ang tumitira, ibig sabihin, we are somebody,” saad pa niya.

Matatandaang sa proclamation rally ng senatorial slate ng administrasyon noong Martes iginiit ni Marcos na wala umano sa kaniyang mga iniendorsong kandidato sa pagka senador ang nasangkot sa ilegal na giyera kontra droga o Oplan Tokhan at maging sa korapsyon noong Covid-19 pandemic. 

MAKI-BALITA: PBBM, ibinida senatorial slate niya: 'Wala sa kanila ang may bahid ng dugo sa Tokhang!'