Tahasang sinabi ni reelectionist Senator Ronald “Bato” dela Rosa na nakahanda raw siyang madungisan ang kaniyang mga kamay ng dugo ng umano’y masasamang tao.
Sa kaniyang talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban nitong Huwebes, Pebrero 13, 2025, sinabi niyang nakahanda raw siyang madungisan ang kaniyang kamay kung kinakailangan upang maprotektahan ang aniya’y mga “law abiding citizens.”
“Kung yung aking mga kamay ay may bahid ng dugo, hindi ko po 'yan ikinakahiya. Kung yung aking mga kamay ngayon ay may bahid ng dugo–dugo ng mga masasamang tao,” ani Dela Rosa.
“Kung kinakailangan na madumihan ng dugo ng masamang tao ang aking buhay para maprotektahan ang buhay ng mga matitino, mababait, at mga law abiding citizen, gagawin ko po 'yon. Itago niyo sa bato, gagawin ko 'yan,” dagdag pa niya.
Matatandang tila pinatutsadahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang ilang mga kandidato sa naging campaign rally ng kaniyang Alyansa para sa Bagong Pilipinas kamakailan kung saan direkta niyang iginiit na wala umano sa kaniyang mga pambato ang may bahid ng dugo dulot ng Tokhang.
“Wala sa kanila ang may bahid ng dugo dahil sa Tokhang. Wala sa kanila ang kasabwat sa pagbulsa ng sako-sakong pera, pinagsamantalahan ang krisis ng pandemya, pinabayaan ang ating mga kababayan na magkasakit at mamatay,” ani PBBM.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, ibinida senatorial slate niya: 'Wala sa kanila ang may bahid ng dugo sa Tokhang!'