Pinalagan ni dating Presidential spokesperson Salvador Panelo ang inilabas na rekomendasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na sampahan ng kaso si Vice President Sara Duterte hinggil sa kontrobersyal na mga pahayag nito laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa isang pahayag noong Miyerkules, Pebrero 12, 2025, tahasang iginiit ni Panelo na dapat na lang umanong bumalik ng law school si NBI Director Jaime Santiago matapos ang naging rekomendasyon ng NBI na kasuhan ng grave threat at sedisyon si VP Sara.
"The Director of the NBI should go back to law school," ani Panelo.
KAUGNAY NA BALITA: NBI, inirekomenda kasong 'sedisyon at grave threat' laban kay VP Sara
Iginiit din ni Panelo na may bahid umano ng pamumulitika ang nasabing rekomendasyon ng NBI na direktang pang-aatake raw laban kay VP Sara.
"It obviously is tainted with politics, and still part of the demolition job on her by her political enemies to put her out of contention in the presidential race of 2028," saad ni Panelo.
Pinuna niya rin ang NBI na nag-aaksaya umano ng buwis ng taumbayan upang ma-harass lang aniya ang pangalawang pangulo sa halip daw na hulihin ang tunay na mga kriminal.
"The NBI should instead focus on stopping criminals from committing crimes or filling charges against them instead of harassing VP Sara with ludicrous and baseless criminal complaints. It's a waste of taxpayers money," saad ni Panelo.