Inihayag ni MANIBELA Chairman at senatorial aspirant Mar Valbuena na umaasa raw ang kanilang hanay na magkaroon ng panibagong diyalogo hinggil sa jeepney phaseout sa pag-upo ni bagong Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.
Sa pamamagitan ng kanilang opisyal na Facebook page, inihayag ni Valbuena ang kanilang pahayag hinggil sa pagbabago ng pamunuan ng DOTr nitong Huwebes, Pebrero 13, 2025.
"Ngayong araw Pebrero 13, 2025 ay ating napag alaman sa mga pahayagan sa social media na pinalitan na si DOTR Secretary Jaime Bautista ng bagong DOTR Secretary Vince Dizon," anang MANIBELA.
Tahasan ding iginiit ni Valbuena ang umano'y naging pagmamalabis ni dating DOTr Sec. Bautista na siya raw nagdulot ng malawakang jeepney phaseout.
"Sinibak o nag resign man si dating Sec. Bautista ay nagpapatunay lamang ito na walang kakayahang magpatakbo ang dating kalihim sa Kagawaran ng Transportasyon na ang 'PAGMAMALABIS SA KAPANGYARIHAN' ay mag re-resulta sa maling pagpapatupad ng mga programa katulad ng PUVMP, pagtanggal ng aming mga prangkisa, resulta ng kawalan ng hanap-buhay ng mga drivers at operators o manggagawa sa sektor ng transportasyon at higit sa lahat kakulangan ng masasakyan ng taong bayan," saad ni Valbuena.
Kaugnay nito, inilahad din ni Valbuena ang kanila raw pag-asang magkaroon ng diyalogo at mapakinggan daw ng naturang ahensya ang kanilang mga panawagan at suhestyon.
“Sa bagong DOTR Secretary Vince Dizon welcome po at umaasa tayo na magkakaroon ng mga bagong dayalogo na kung saan mapapakinggan ang ating mga hinaing, suhestyon at mga solusyong ilalatag ngunit mananatili tayong magiging mapagmatiyag at palaban kung ano man ang mag baying polisiya na ipatutupad ng bagong kalihim,” ani Valbuena.