Pinag-uusapan ngayon sa social media ang pananapak umano ng isang staff ng isang campsite sa Rizal sa camper na nagmura sa bundok dahil naglabas ng sama ng loob sa ex kamakailan.
Sa Facebook post ng netizen na si Don Na, mapapanood ang naturang insidente ng pagsapak ng staff sa camper, na kaibigan niya, habang pinapaaalis sila sa campsite sa Tanay, Rizal.
"Sige, labas! Labas lahat. Uwi!" maririnig na sabi ng staff sa camper.
Sagot naman nito, "Sumigaw lang po kami sa bundok."
"Mali, mali... nagmumura ka eh," saad ng staff.
"Sino pong minumura ko?" sagot ng camper.
"Pu******* sinong mimumura mo rito?" sagot pabalik ng staff.
"Yung bundok," saad ng camper at saka siya sinapak ng staff sa mukha.
Ipinaliwanag naman ng mga kasama ng camper na naglalabas lang daw sila ng sama ng loob sa bundok at wala raw silang minumura na taga-roon.
Gumanti ng sapak ang nasapak na camper sa staff at tinotoo na ang pagmumura.
"Nagbayad ako rito para sumigaw sa bundok na 'yan kasi may problema ako, tapos susuntukin mo ako?" saad ng camper.
Matapos nito, nagsumbong sa barangay at pulis ang biktima.
Sa ulat ng Frontline Pilipinas, sinabi ng biktima na si Dawn Salmo na kasama nito ang mga kaibigan niya. Brokenhearted daw siya at medyo naka-inom na ng alak pero hindi niya raw minura ang staff.
"No'ng nagmumura po ako nagbibigay po ako ng pangalan, yun nga po yung sa ex ko po yun," saad ni Salmo.
Dagdag pa niya, nagkaroon daw siya ng sugat sa mukha at dumugo ang kaniyang ngipin dahil sa pananapak ng staff.
"Broken na ako lalo pa akong na-broken. Para akong na-double kill."
Samantala, humingi ng paumanhin ang Rainbow 89 Ecopark Camping and Trekking Management hinggil sa nangyaring insidente. Anila, nakakulong na raw ang naturang staff at patuloy pa ring iniimbestigahan ang nangyari.
"Kami po ay humihingi ng paunawa at paumanhin sa nangyaring insidente kasangkot ang isa sa aming staff at guest. Sa kasalukuyan ay nakakulong po ang staff na nabanggit at under investigation ang nangyaring insidente," saad ng campsite.
"Humihingi kami ng paunawa sapagkat yung nagawa po ng isang staff ay hindi po nangangahulugang magagawa na [rin] ng lahat ng staff ng campsite. Ang [pang-unawa] pong hinihiling namin ay para sa iba pang staff na maayos pong nagtatrabaho at nabubuhay sa campsite na ito.
"Makakaasa po kayo na ito ay [pag-uukulan] ng atensyon at hindi na hahayaang mangyari pang ulit."