February 12, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Throwback ng misis sa mister niyang nanghiram ng ₱500 sa kaniya sa first date nila, kinakiligan!

Throwback ng misis sa mister niyang nanghiram ng ₱500 sa kaniya sa first date nila, kinakiligan!
Photos courtesy: Geva Krissa Calo/IG, Canva

Sa panahon ng modernong pakikipagrelasyon, kung saan madalas inuuna ang materyal na aspeto, isang kuwento ng pag-iibigan ang nagpatunay na mas mahalaga pa rin na kapag naghahanap ng partner sa buhay ay dapat taglay nito ang magagandang katangian sa panloob na anyo, dahil tiyak na hindi ito kukupas.

Ganito ang istorya nina Neil at Geva Krissa Calo, na nagsimula sa isang hindi pangkaraniwang unang date—kung saan nanghiram si Neil ng ₱500 kay Geva pambayad—at ngayon ay mas matibay na nagsasama bilang mag-asawa sa Barcelona, Spain.

Nakasanayan sa dating na kadalasan ang lalaki ang taya sa date upang maipakita niya ang pagiging maginoo sa kaniyang ka-date na babae. Pero sa makabangong panahon ngayon, puwedeng hati na sa bill ang dalawang magka-date.

Sa isang viral Threads post ng netizen na si Geva Krissa Calo noong Enero 16, 2025, ibinahagi niya ang kaniyang hindi malilimutang karanasan noong siya ay nakipag-date daw sa isang hindi mayamang lalaki na kinalaunan ay naging asawa niya at ama ng kaniyang anak.

Human-Interest

Engineer pumalag sa mga nagsasabing walang kuwenta pagsali sa extracurricular activities

Mababasa sa post ni Geva, “I dated a guy before who was not rich. On our first date, he brought me to a beach in Cavite. He doesn’t have a car, so we took the bus. We didn’t expect the entrance fee already increased from what we read from the blogs. His money was just enough for food and our expected fee. There was no ATM nearby. So, he borrowed money from me, I remember it was 500 pesos,” aniya.

Dagdag pa niya, “Guess what, I married that guy. Now, that guy who is now my husband, has brought me to places I’ve never imagined. He is providing well for our family, so I don’t have to work while looking after our son. I am, indeed, very proud of him.. and myself, for making the right decision  And also, that date was one of the most memorable dates I’ve ever had. (Not that I dated a lot. Lol) You know what they say, “Don’t marry a rich man, marry a hardworking man.” So, that’s what I did. The next day, after his work, he went straight to my workplace to pay it back. (Didn’t ask him to).”

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Geva, nagbigay pa siya ng ilang detalye sa love story nila ng kaniyang mister na si Neil.

Nagkakilala raw sila ni Neil sa pagha-hiking taong 2014. Siya ay naimbitahan ng kaibigan niyang sumama sa kanila samantalang si Neil naman daw ay matagal nang ginagawa ito kasama ang mga kaibigan. Hindi pa nga raw makapaniwala si Geva na sila pala ang magkakatuluyan dahil magkaiba naman sila ng trabaho.

“Nagkakilala kami sa bundok, 10 years ago pa ito. So, parang nagulat ako na nag-viral siya kasi 2014 pa ito. So, no'ng kasagsagan ng 2014, nauso yung hiking ganiyan, so doon kami nagkakilala then after noon may number of hikes pa na kasama ang group, bago kami nag-date doon sa nakuwento ko sa viral post. Magkaiba rin kami ng work, kaya parang nakakagulat na kami pala yung meant to be,” pagbabahagi niya.

Nang tanungin kung ano ang naging reaksyon ni Geva nang manghiram ng pera si Neil sa kanilang unang date, hindi raw siya naturn-off, bagkus ay nakita niya itong isang pagkakataon upang mag-contribute sa kanilang pinagsasaluhang sandali. Hindi rin niya inasahang babayaran pa ito ni Neil kinabukasan, na nagdagdag ng “pogi points” para sa kaniya.

“Before pa kami nagpunta ng beach, siya na yung nagbabayad ng mga pagkain namin. Para sa akin, nagawa niya na yung role niya, tas kakain pa kami pagdating or bibili pa kung may food pa doon, so para siyang hatian for me. Kaya no'ng sinabi niya sa akin na babayaran niya ako, plus points iyon para sa akin, kasi hindi naman ako na-off in the first place, nadagdagan pa yung pogi points niya para sa akin.” aniya.

Sa perspective naman ni Neil ayon kay Geva noong napag-usapan nilang mag-asawa ang kanilang naging unang date matapos mag-viral ng Threads post ni Geva kamakailan, pabirong sinabi ni Niel na hindi raw niya naalala ang pangyayaring iyon sa kanilang date.

“Tapos in denial pa siya na humiram siya ng pera pero in a joke way naman pero parang ok lang naman sa kaniya, nakikita ko rin nga yung mga nasa comments na green flag nga yun,” aniya.

Dagdag pa ni Geva, lalo niyang napagtanto ang halaga ng naging gesture noon ni Neil nang mabasa niya ang comments ng netizens. Anila, maagang naipakita ni Neil ang pagiging responsable at may “provider mindset”—isang katangian na bihira nang makita sa panahon ngayon.

“Doon pa lang daw sa first meet pa lang may provider mindset na siya na nakakagulat na nakita nila iyon e hindi ko nga iyon nakita agad,” aniya pa.

Para kay Geva, hindi ang estado sa buhay ni Neil ang naging sukatan ng kanilang pagmamahalan kundi ang kaniyang walang sawang pagsusumikap. Kahit hindi marangya ang kanilang mga date noong una, ipinakita ni Neil ang kaniyang dedikasyon sa pamamagitan ng patuloy na pagsuyo—mula sa pagpunta sa trabaho ni Geva upang dalhan ng pagkain at ihatid-sundo  halos linggo-linggo, sa kabila ng mahirap na biyahe pauwi sa Cavite.  Kahit nang maging mag-asawa na raw sila, hindi ito nagbago—patunay na ang tunay na pagmamahal ay hindi raw natatapos sa panliligaw matapos makuha ang matamis na oo ng babae.

“For me, yung effort at consistency niya talaga, yun ang nag-standout sa akin. Kasi simula, wala pa yung first date, nag-tetext pa lang  at nagchachat pa lang ganiyan, nakikita ko talagang sincere siya  kasi nga everyday walang araw na hindi niya ako kinamusta, Tapos no'ng naging kami na, parang halos every week pinupuntahan niya ako sa work, ganiyan, tapos nagde-date kami. Tapos wala siyang sasakyan no'n ha so commute,” aniya.

Mula sa kanilang matiyagang pitong taong pagsasama bago ang kasal, natutuhan nilang pag-usapan ang mahahalagang bagay gaya ng anong career plans bago sila ikasal at kung ilang anak ang gusto at mga pangarap sa buhay. Isa rin sa mga naging mahalagang hakbang ang pagpapakilala ni Geva kay Neil sa kaniyang pamilya, lalo na sa kaniyang ama na isang sundalo.

Ipinaliwanag din ni Geva bakit hindi dapat sa itsura ng tao nagbabase kapag pipili ang isang tao ng magiging partner niya sa buhay.

Sa kababaihang naghahanap ng “ideal” na kapareha, payo ni Geva Krissa na tingnan ang higit pa sa panlabas na anyo.

“Look for his qualities, yung character niya. Is he generous? May provider mindset ba siya? Hardworking ba siya? Kaya ba niyang mag-adjust at mag-compromise?” aniya.

Para sa kaniya, mas mahalaga ang kakayahang magsikap at ang pagiging tapat sa relasyon. Ang pagkakaroon ng mabuting puso at tunay na malasakit ay mas matimbang kaysa sa yaman o materyal na bagay.

Ngayon, bilang isang full-time mom, mas lalong napagtanto ni Geva ang mga sakripisyong ginagawa ni Neil para sa kanilang pamilya. Ang asawa raw ang nagba-budget ng kanilang kita, nagsusumikap sa trabaho, at hindi nakakalimot na iparamdam ang kaniyang pagmamahal sa bawat maliit na paraan—kabilang na ang pagiging “chef” ng pamilya.

“Lalo akong humanga sa kaniya. Beyond all the material things, yung effort niya talaga araw-araw ang mas nakakainlove,” ani Geva.

Sa kabila ng hamon ng paninirahan sa ibang bansa, ipinagpapasalamat ni Geva ang kanilang matibay na pundasyon bilang mag-asawa. Anuman ang dumating, handa siyang samahan si Neil saan man dalhin ng kaniyang propesyon, basta’t magkasama sila bilang pamilya.

Ngayong nalalapit ang Valentine’s Day, isang mensahe ng pasasalamat ang nais iparating ni Geva sa kaniyang asawa.

Aniya, “Salamat sa asawa ko na nagsusumikap lagi, para mabigyan kami ng magandang buhay. Dati, nagde-date lang kami sa Cavite, and who would have thought na this time sa Europe na kami gumagala 'di ba? So, maraming salamat, kasi he exceeded my expectations. Siyempre kay Lord, kasi never Niya naman kaming pinabayaan. Wala kami dito ngayon kundi dahil sa Kaniya.”

Sa pagtatapos ng kanilang kuwento, isang mahalagang aral ang kanilang iniwan—ang tunay na pagmamahal ay hindi nasusukat sa halaga ng isang date o sa estado sa buhay, kundi sa pagsasakripisyo, pagtutulungan, at walang sawang pagsuporta sa isa’t isa.

Maligayang buwan ng mga puso, Ka-Balita!

Mariah Ang