Nagbigay ng paalala si Senate President Chiz Escudero sa mga kapuwa niya senador kaugnay sa pagsasalita sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng media kay Escudero nitong Miyerkules, Pebrero 12, sinabi niyang gusto raw niyang panatilihin ang pagiging pantay at kapani-paniwala ng magiging desisyon ng korte.
“Ang interes ko ang nais kong panatilihin, ang pagiging pantay, parehas ng korte at pagiging kapani-paniwala ng anomang magiging desisyon ng impeachment court,” saad niya.
Dagdag pa ni Escudero: “‘Yon ang rason bakit pinapaalalahanan ko ang mga senador na maghunos-dili sa pagpapahayag kaugnay sa impeachment na wala pa man silang nakikitang ebidensya mula sa magkabilang panig o anoman ang kanilang magiging pinal na desisyon sa bagay na ito.”
Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin ang impeachment trial ni Duterte sa Senado. Ayon kay Escudero, gugulong ang paglilitis pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Hulyo.
MAKI-BALITA: Impeachment trial kay VP Sara, sisimulan pagkatapos ng SONA – SP Chiz