Nagbigay ng reaksiyon si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes sa posisyon ni senatorial aspirant Bam Aquino sa usapin ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam kasi ng media kay Aquino kamakailan ay sinabi niyang ang impeachment umano ay isyu ng mga politiko at hindi ng mga Pilipino.
Aniya, “Palagay ko isyu siya sa mga politiko, 'yong mga alyansa ngayon ay parang 'yon po yata 'yong nagiging isa sa malaking bagay.”
Pero honestly, galing akong Zamboanga, Nueva Ecija, Tarlac, hindi siya isyu ng mga kababayan natin," dugtong pa ni Aquino.
Pero sa X post ni Trillanes nitong Miyerkules, Pebrero 12, sinita niya ang pangmamaliit ni Aquino sa usapin ng impeachment sa bise-presidente.
“Isyu ng politiko!?! Lantarang pagnanakaw, pagtataksil sa bayan, at higit sa lahat, kinabukasan ng ating bansa at ng ating demokrasya ang pinag-uusapan natin dito!” saad ni Trillanes.
Dagdag pa niya, “Kaya wag na wag mong mamaliitin itong isyu ng impeachment kasi napakaimportanteng isyu ito para sa aming mga Magdalo.”
Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin ang impeachment trial ni Duterte sa Senado. Ayon kay Senate President Chiz Escudero, gugulong ang paglilitis pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Hulyo.
MAKI-BALITA: Impeachment trial kay VP Sara, sisimulan pagkatapos ng SONA – SP Chiz