Iginiit ni reelectionist Senador Ronald “Bato” dela Rosa na balak umano niyang gayahin ang “tokhang-style” sa kaniyang pangangampanya para sa 2025 Midterm Elections.
Sa panayam ni Dela Rosa sa media sa pagsisimula ng opisyal na campaign period noong Martes, Pebrero 11, 2025, inihayag niya ang kaniyang balak na magbahay-bahay katulad aniya ng pamamaraan noon ng oplan tokhang.
“Kulang kailangan mag-step up, we have to step up. Kung kailangang magbahay-bahay,” ani Dela Rosa.
Dagdag pa niya, “Sanay naman tayo sa tokhang ‘di ba? Binabahay-bahay natin yung mga bahay, kinakatok natin ‘di ba? So pwede nating gawin yun.”
Inilarawan din ng senador kung paano niya raw balak gawin ang tokhang-style na pangangampanya sa oras na siya ay nagbahay-bahay na.
“Oo, so tokhang talaga. Katukin mo ang pinto ng bahay, ‘pag open you smile, you plead — ‘Pwede niyo ba akong iboto? O ganoon. Pero kung ‘pag open ng bahay nakasimangot, ay sorry po, sorry po, alis na ako,” saad ni Dela Rosa.
Sa darating na Huwebes, Pebrero 13, ang nakatakdang proclamation rally ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na gaganapin sa Club Filipino sa San Juan kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte.