February 12, 2025

Home BALITA Eleksyon

PBBM, ibinida senatorial slate niya: 'Wala sa kanila ang may bahid ng dugo sa Tokhang!'

PBBM, ibinida senatorial slate niya: 'Wala sa kanila ang may bahid ng dugo sa Tokhang!'
Photo courtesy: Screenshots from RTVM (YT)

Tila pinatutsadahan umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang ilang mga kandidato matapos niyang ibida ang kaniyang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial slate sa pag-arangkada ng kanilang campaign rally noong Martes, Pebrero 11, 2025. 

Sa kaniyang talumpati sa naturang campaign rally, tahasang iginiit ni PBBM na wala umano sa kaniyang senatorial lineup ang may bahid ng dugo dulot ng kontrobersyal na kampanya kontra droga noong nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

“Wala sa kanila ang may bahid ng dugo dahil sa Tokhang,” ani PBBM. 

Iginiit din ng pangulo ang isyu ng pandemya kung saan wala raw mula sa kanila ang dawit sa pagkulimbat ng pera.

Eleksyon

Campaign billboard ni Pastor Apollo Quiboloy, spotted sa New York City

“Wala sa kanila ang kasabwat sa pagbulsa ng sako-sakong pera, pinagsamantalahan ang krisis ng pandemya, pinabayaan ang ating mga kababayan na magkasakit at mamatay,” anang pangulo. 

Diretsahan din ang naging pagkukumpara ni PBBM sa kaniyang 12 pambato sa pagkasenador mula sa mga umano’y kandidatong tuta ng China, bulaang propeta at may kaugnayan umano sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). 

“Wala sa kanila ang mga pumapalakpak sa Tsina at natutuwa pa kapag tayo ay binobomba ng tubig, tinatamaan ang ating mga Coast Guard, hinaharang ang ating mga mangingisda, ninanakaw ang kanilang huli, at bukod pa roon ay inaagaw pa ang mga isla natin para maging bahagi ng kanilang bansa,” saad ng pangulo. 

Dagdag pa ni PBBM, “Wala po sa kanila ang tilang sakristan ng isang bulaang propeta na nasasakdal dahil sa pagyurak sa ating kabataan at sa ating kababaihan. Wala sa kanila ang tagataguyod ng pugad ng krimen, ng sentro ng paglalapastangan ng mga kababaihan na mga POGO.” 

Kaugnay nito, ipinanawagan naman ng pangulo sa kaniyang mga kababayan sa Ilocos Norte ang pagboto ng mga ito sa senatorial slate na bitbit ng kaniyang administrasyon. 

"Sa darating na Mayo, huwag n'yo na pong tingnan ang mga ibang mga pangalan, i-shade n'yo na po lahat po itong nandito na nasa harap ninyo, at gawin nating 12-0 ang ating resulta sa Senado, nang sa gano'n, matitiyak natin ang kinabukasan ng ating minamahal na Pilipinas," giit ng pangulo.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM pabor sa Alyansa slate: 'I-shade n'yo na po lahat, gawin nating 12-0 resulta sa Senado!'