Makahulugan ang naging pahayag ng stand-up comedian na si Alex Calleja kaugnay ng paratang sa kaniyang "nagnakaw" umano siya ng jokes na ginamit niya sa "Tamang Panahon" na number one ngayon sa Netflix.
Nag-ugat ito sa mga naging umano'y patutsada ng comedy writer na si Chito Francisco, patungkol sa isang joke na napanood daw niya sa Netflix, na tila "ginamit daw ang kaniyang joke."
“Nanood ako ng Netflix special ng isang pinoy stand up comedian. Ginamit yung isang joke ko. Well, marami pa ako niyan brod. Madami ka pa puwede nakawin.”
Naglabas pa raw ng mga resibo si Chito matapos niyang ilabas ang Facebook post niya noong Setyembre 14, 2019, na masasabing patungkol sa carwash joke. Hindi man eksaktong mga salita, subalit mapapansing tila may pagkakatulad nga ang tinutukoy na joke.
“Magpapa-carwash ako. E dahil malapit lang ang carwash, nilakad ko na lang. 'Di na ko nagdala ng sasakyan," mababasa rito.
Noong Setyembre 24, 2023 ay muling ibinahagi ni Chito ang nabanggit na joke. May caption pa itong “Luma na ’to, puwede 'nyo nang gamitin. My bad."
Bagama't wala siyang binanggit na pangalan, naiugnay naman ito ng mga netizen kay Alex, dahil nga sa kaniyang "Tamang Panahon."
Agad namang pinalagan ito ng mga netizen na tagasuporta ni Alex at sinabi nilang matagal na raw ginagamit ng komedyante ang nabanggit na biro.
Pebrero 11 ng gabi nang binasag na ni Alex ang kaniyang katahimikan kaugnay ng akusasyon sa kaniya. Kalakip ng kaniyang Facebook post ang ilang mga screenshot na nagpapatunay na 2011 pa niya ginagamit ang naturang carwash joke.
"Post ko lang dito ang carwash joke ko since 2011 na nagawa ko ng writer ako sa Usapang Lalake at Goin' Bulilit. Sa Goin' Bulilit kasi, may topic ang bawat gags at carwash ang topic namin. Hindi ata ito nasama sa final draft kaya ginamit ko sa standup at pinost sa social media ng 2011. Check niyo po ang screenshots. Sorry po wala pa ako masyado followers niyan ," giit ni Alex.
"Lagi ko ito jinojoke kaya naging paborito ng isang writer din na si Raymond Dimayuga. Nagpapasalamat ako sa pag acknowledge niya sa akin ng 2015 at 2016. Search niyo po sa FB, alex calleja at carwash. Gawin niyo din yun PEP PH," aniya pa sa entertainment site.
"Sa mundo po ng comedy writing, kapag may kaparehas o parallel joke ka sa isang comedian, may disenteng paraan po para magsabi ng parehas kayo. Ang tawag po dun ay pribadong usapan tulad ng cellphone at chat. Lahat po ay pwedeng pag-usapan ng pribado at hindi dinadaan sa social media. Hindi ko po alam ang intensyon para sabihan ako na 'nagnakaw ng jokes' pero ang nasa isip ko na lang ay ang kasabihang 'ang punong hitik sa bunga ay binabato' O, hindi po ako ang original niyan."
Sa huli, tila may paalala naman si Alex.
"Anyway, ingat po tayo sa salitang nakaw, may cyber libel po tayo at hindi yun joke. Remember, I have a friend..."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag tungkol dito si Chito Francisco. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.
MAKI-BALITA: Alex Calleja naglapag ng mga resibo, pumalag sa akusasyong 'nagnakaw ng jokes'