Isa ang dead on the spot habang dalawa ang kritikal sa pagsabog ng nilagaring vintage bomb sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV kamakailan, sumabog ang nasabing vintage bomb matapos itong matagpuan sa isang construction site. Sinubukan umano itong lagariin upang mabuksan at makita kung ano ang nasa loob nito nang bigla itong sumabog.
Dalawa rin ang naiulat na nasa kritikal na kundisyon matapos mapuruhan sa naturang pagsabog at kumpirmadong naputulan ng mga binti.
Kasalukuyan na ring sinusuri ng Provincial Explosives and Canine Unit (PECU) ang mga bahagi ng bomba upang malaman kung saan nanggaling ang nasabing pagsabog at kung anong uri daw ito ng bomba.
Samantala, nagbabala naman sa publiko si Police Major Nova Lyn Aggasid hinggil sa paghawak ng mga vintage bomb kung sakali raw na mahukay ang mga ito.
“Sa mga naka-discover ng ganito, kapag nakakita ng ganyan, i-report agad. Huwag nilang kunin o hawakan, huwag nilang lagariin. Hindi lang ito [ngayon] nangyari, dati sa previous years din may naputulan ng kamay,” ani Aggasid.