February 12, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Engineer pumalag sa mga nagsasabing walang kuwenta pagsali sa extracurricular activities

Engineer pumalag sa mga nagsasabing walang kuwenta pagsali sa extracurricular activities
Photo courtesy: Canva

Viral ang Facebook post ng isang engineer matapos niyang magbigay ng pagtutol na walang halaga ang pagsali ng extracurricular activities ng mga mag-aaral, na batay naman sa kaniyang mga pansariling karanasan.

Sa nabanggit na  Facebook post ni Engineer Mark Vincent Yap Nodado, noong Lunes, Pebrero 3, 2025, binigyang-diin niya na ang pagsali sa extracurricular activities ng mga mag-aaral ay daan upang mas lumawak ang pagkatuto ng isang tao, tamang pagbabalanse sa oras at mga gawain ang sikreto upang magampanan ang lahat ng responsibilidad na kaakibat ng pagsali rito habang kasabay ng pag-aaral ng academics.

Matagal nang usapin sa mga unibersidad kung may halaga ba talaga ang pagsali sa mga extra-curricular activities o kung isang abala lamang ito sa mas mahalagang aspeto ng edukasyon—ang akademiko. 

May mga nagsasabing sayang lang ang oras sa pagsali sa mga organisasyon, paligsahan, at iba pang aktibidad na wala namang direktang kinalaman sa kurso. Ngunit, isang inhinyero ang nagpatunay na ang kaniyang naging aktibong partisipasyon sa labas ng silid-aralan ay naging mahalagang bahagi ng kaniyang tagumpay sa propesyonal na mundo.

Human-Interest

Throwback ng misis sa mister niyang nanghiram ng ₱500 sa kaniya sa first date nila, kinakiligan!

Si Engineer Mark Vincent Yap Nodado, isang civil engineer na nagtapos bilang cum laude, ay hindi lang nagtuon sa akademiko noong siya’y nasa kolehiyo. Naging bahagi rin siya ng University Chess Team, College Department Badminton Team, at Chorale Team. 

Bukod dito, nagsilbi siyang Managing Editor ng kanilang pahayagang pangkampus, kasapi ng Philippine Institute of Civil Engineers (PICE) Student Chapter, at aktibong miyembro ng iba’t ibang organisasyon tulad ng Engineering Society Organization at Math Society.

Ayon kay Engineer Mark, ang kaniyang paglahok sa chess ay nagturo sa kaniya ng pagiging maingat at estratehiko sa bawat hakbang—isang kasanayang mahalaga sa larangan ng engineering at negosyo. 

“Having played chess since I was small taught me to always be 2, 3, and 4 steps ahead. Avoid blunders. Defend while preparing to attack. Protect what matters. Play your pieces. Have a good strategy,” aniya.

Ang paglalaro naman ng badminton ay nagbigay sa kaniya ng oportunidad na makilala ang iba’t ibang tao—isang bagay na kaniyang nagamit sa pagbuo ng koneksyon sa mga kliyente. 

Ang pagiging bahagi ng chorale ay nagbigay sa kaniya ng kakayahang makitungo sa iba’t ibang personalidad—isang mahalagang aspeto sa pakikipag-ugnayan sa mundo ng negosyo.

Hindi rin matatawaran ang mga kasanayang kaniyang nakuha mula sa pagiging bahagi ng pahayagang pangkampus. 

“I have learned a lot of skills. My creative writing blossomed, which I was able to use on my company's posts and content. I learned Photoshop and layout technicalities, and I honed my photography skills. All of these I utilized to elevate my companies just by having the creative side of me. I still personally take the pictures that I post, I learned of the angles, framing and simple composition,” dagdag niya.

Ang pagiging kasapi ng maraming organisasyon ay nagbigay sa kaniya ng pundasyon upang maging isang epektibong lider. 

Bukod sa mga nabanggit sa itaas, siya rin ay National Director ng PICE sa loob ng tatlong taon—isang posisyong hindi niya mararating kung wala ang kaniyang karanasan bilang estudyante.

Ang pinakaimportanteng aral na kaniyang natutuhan ay ang tamang balanse ng akademiko at extra-curricular activities. 

“So if you are doubting yourself, while you spend some time volunteering on your college's activity, don't. These extracurricular activities will help you a lot. A lot, just find the right balance—don't let your academics be affected. Do it,” aniya.

Sa huli, ang pagiging aktibo sa labas ng akademiko ay hindi lamang isang “extrang aktibidad” kundi isang mahalagang pagsasanay sa buhay at propesyon. 

Sa kasalukuyan habang isinusulat ang artikulong ito umabot na sa 12k reacts, 376 comments at 4.7k shares ang nasabing post.

Mariah Ang