February 11, 2025

Home BALITA Eleksyon

Sa simula ng campaign period: Kiko-Bam, nagsimba kasama sina Ex-VP Leni

Sa simula ng campaign period: Kiko-Bam, nagsimba kasama sina Ex-VP Leni
(Photo courtesy: Kiko Pangilinan/FB)

“Sinimulan natin ang ating kampanya sa panalangin at pagkakaisa…”

Sa pagsisimula ng panahon ng kampanya ngayong Martes, Pebrero 11, dumalo sa misa ang senatorial aspirants na sina dating Senador Kiko Pangilinan at dating Senador Bam Aquino sa Parish of the Holy Sacrifice sa University of the Philippines (UP) – Diliman.

Kasama nina Pangilinan at Aquino sa pagdalo na misa sina dating Vice President Leni Robredo, Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña, Akbayan first nominee Chel Diokno, at Mamamayang Liberal nominees Teddy Baguilat at Erin Tañada. 

Sa isang Facebook post, sinabi ni Pangilinan na sinimulan nila ang campaign period sa pamamagitan ng pagsisimba upang humingi raw ng gabay sa Diyos at manalangin para sa pagkakaisa.

Eleksyon

BUHAY Partylist 2nd nominee Bullecer, saludo sa mga mambabatas na pumirma ng impeachment ni VP Sara

“Sinimulan natin ang ating kampanya sa panalangin at pagkakaisa,” ani Pangilinan sa kaniyang post.

“Sama-sama tayong humingi ng Kanyang paggabay sa ating paglalakbay—para sa mas mababang presyo ng pagkain, tapat at totoong pamamahala, at isang mas maunlad na Pilipinas.

“Patuloy tayong kikilos nang may pananampalataya at malasakit sa bayan. Maraming salamat sa lahat ng nakiisa!” saad pa niya.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), bukod sa Huwebes Santo (Mayo 17) at Biyernes Santo (Mayo 18), ay maaaring mangampanya ang mga kandidato sa 2025 midterm elections mula ngayong Pebrero 11 hanggang sa Mayo 10, 2025.

Inaasahan namang isasagawa ang halalan sa Mayo 12, 2025.