February 11, 2025

Home BALITA National

Makabayan, sinimulan kampanya sa Liwasang Bonifacio: ‘Baguhin na ang bulok na kalakaran!’

Makabayan, sinimulan kampanya sa Liwasang Bonifacio: ‘Baguhin na ang bulok na kalakaran!’
(Photo courtesy: Koalisyong Makabayan/FB)

Sinimulan ng Makabayan Coalition senatorial candidates ang campaign period ngayong Martes, Pebrero 11, sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, kung saan ipinangako nilang magiging kakaiba raw ang kanilang kampanya sa “tradisyunal na kampanyang nakasalalay sa bilyong-pisong pondo at poder ng gobyerno.”

Sa kanilang opening statement na inilabas din sa kanilang Facebook page, ibinahagi ng Makabayan na gugugulin nila ang panahon ng kampanya sa pamamagitan ng personal na pag-abot sa mga mamamayan ng bansa.

“Kung ang mga tradisyunal na pulitiko at political dynasties ay gagastos ng bilyon-bilyon para sa media ads, ang Makabayan ay susuong sa iba’t ibang sulok ng bansa upang tuwirang maabot at makausap ang ating mga kababayan. Kami ay magbabahay-bahay, iikot sa mga palengke, terminal at paaralan, tatawid ng mga ilog at pilapil upang direktang makaugnayan ang mga pinaka-aping sektor ng lipunan,” anang Makabayan.

“Kung ang mga tradisyunal na pulitiko at mga dynasty ay aasa sa ‘entertainment’ at pag-aaliw sa mga botante, ang Makabayan ay nangangakong tatalakayin ang mga isyung pinakamatindi ang epekto sa ating mga kababayan: mataas na presyo, mababang sahod, talamak na kurapsyon, kawalan ng soberanya at tunay na demokrasya. Plataporma, hindi gimik.”

National

Meralco, may dagdag-singil ngayong Pebrero

Nangako rin ang 11 senatorial candidates na bibigyang-tinig nila ang mga anila’y “pinaka-api sa lipunan.”

Tiniyak din ng mga kandidato ng koalisyon na ang kanilang pagsasama ay hindi nakabatay sa “makitid na interes” kundi sa “sa prinsipyo at programa, para sa pambansang demokrasya.”

“Kung ang mga political dynasty at mga naghaharing uri ay naniniwala na ang eleksyon ay paraan para palawigin ang kanilang poder at panatiliin ang bulok na sistema, ang Makabayan ay naniniwala na ang eleksyong ito ay gagawin nating paglalantad at pagtatakwil sa bulok na sistema matagal nang pinakikinabangan ng iilan,” anang Makabayan.

“Sawa na ang tao sa paulit-ulit na panlilinlang at pagpapa-asa. Ngayon, may pagpipilian ang taumbayan, hindi lang kadiliman at kasamaan, hindi lang Marcos at Duterte. Piliin natin ang mga kandidatong senador mula sa hanay ng taumbayan. Piliin natin ang mga partylist na tunay na kakatawan sa mga inaapi.”

“Tayo na at humakbang, walang takot at walang alinlangang baguhin ang umiiral na kalakaran. Panahon na,” saad pa nito.

Binubuo ang Makabayan ng 11 senatorial candidates na sina:

* ACT Teachers Party-list Rep. France Castro

* Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas

* Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Chairperson Danilo Ramos

* Dating Gabriela Partylist Rep. Liza Maza

* Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis

* Pamalakaya Vice Chairperson Ronnel Arambulo

* Dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño

* PISTON National President Mody Floranda

* Filipino Nurses United Secretary General Jocelyn Andamo

* Kadamay Secretary General Mimi Doringo

* Sandugo-Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination co-chair Amirah Lidasan

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), bukod sa Huwebes Santo (Mayo 17) at Biyernes Santo (Mayo 18), ay maaaring mangampanya ang mga kandidato sa 2025 midterm elections mula ngayong Pebrero 11 hanggang sa Mayo 10, 2025.

Inaasahan namang isasagawa ang halalan sa Mayo 12, 2025.