Tinuligsa nina Deputy Majority Leader Rep. Paolo Ortega at Assistant Majority Leader Rep. Jefferson Khonghun ang planong sampahan ng kaso sina House Speaker Martin Romualdez at iba pa, hinggil sa kontrobersyal na bicameral report kaugnay ng 2025 national budget.
Sa pahayag na inilabas ng dalawang naturang mambabatas noong Linggo, Pebrero 9, 2025, iginiit nilang wala umanong basehan ang mga alegasyon ibinabato kina Romualdez at iba pa.
"Walang basehan ang mga ito, another fantasy at fiction. Obvious na layunin nitong ilihis ang atensyon ng publiko sa tunay na isyu- ang impeachment trial ni VP Duterte," ani Ortega.
Matatandaang kamakailan ay inihayag ni Davao 1st district Rep. Pantaleon Alvarez sa isang media forum kasama sina Senatorial Aspirant Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Ferdie Topacio at Mr. Diego Magpantay, Presidente ng Citizens Crime Watch (CCW) ang umano’y kasong isasampa laban kina House Speaker Martin Romualdez, Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, at Zamboanga Rep. Mannix Dalipe kaugnay ng kontrobersyal na bicameral report kaugnay ng 2025 national budget.
KAUGNAY NA BALITA: HS Romualdez at iba pang mambabatas, isinusulong na kasuhan!
Tinawag naman ni Rep. Khonghun na isa umanong “desperate move” ang nasabing aksyong gagawin ng kampo nina Alvarez na sumakto pa raw impeachment process ni Vice President Sara Duterte.
"There is nothing more than a desperate move to discredit the impeachment process. Napaka-timing naman ng mga isyu na ito. Nang maipadala na sa Senado ang impeachment complaint, biglang may ganitong aksyon laban kay Speaker Romualdez. Malinaw na diversionary tactic ito,” ani Khonghun.
Nauna nang linawin nina Rep. Alvarez na wala umanong halong pamumulitika ang pagsasampa nila ng kaso sa mga naturang mambabatas.
KAUGNAY NA BALITA: Kasong isasampa kina HS Romualdez—laban sa 'korapsyon' at hindi pamumulitika
Kaugnay naman ng isyu ng impeachment, tahasang iginiit ni Atty. Topacio na pinilit umano ng Kamara na isulong ang impeachment laban kay VP Sara upang tuluyan daw mapagtakpan ang anomalya sa bicam report.
KAUGNAY NA BALITA: Impeachment laban kay VP Sara, isinulong para pagtakpan ang isyu sa bicam report?