Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang department director ng Commission of Elections (Comelec) na si Atty. Norina Tangaro-Casingal bilang bagong poll commissioner.
Inanunsyo ito ni Comelec chair George Garcia sa isang press conference nitong Lunes, Pebrero 10.
“The President extended to her an ad interim appointment which will expire until February 2 of 2032,” ani Garcia.
Nagpasalamat din si Garcia kay Marcos sa maaga raw niyang pagtalaga ng bagong Comelec Commissioner lalo na’t nalalapit na raw ang eleksyon, at dahil mula rin sa kanilang komisyon ang inilagay sa posisyon.
“Nagpapasalamat po tayo sa ating kagalang-galang na pangulo sapagka’t kaagad na [tinugunan] yung hiling natin na mag-appoint agad nang maaga dahil papalapit na yung election, 91 days to go. And at the same time, ang in-appoint ng ating kagalang-galang na pangulo ay isang insider,” saad ni Garcia.
Pinalitan ni Tangaro-Casingal—27 taon na sa Comelec—sa naturang posisyon si retiring Comelec Commissioner Socorro Inting.