Inatras ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee ang kaniyang kandidatura sa pagkasenador para sa 2025 midterm elections.
Inanunsyo ito ni Lee sa isang press conference nitong Lunes, Pebrero 10.
Ayon kay Lee, isa sa mga malaking dahilan ng pag-atras niya sa eleksyon ang kakulangan ng kaniyang makinarya at oras upang makaabot sa lahat ng mga Pilipino.
"Sa pag-iikot ko sa ating bansa, napagtanto ko na hindi pa talaga sapat ang makinarya na mayroon tayo ngayon para maabot ang lahat ng ating mga kababayan upang maipakilala at maipaalam ang ating mga pinaglalabang adbokasiya ," ani Lee.
"Naging malinaw po ito para sa akin na kailangan pa ng mas mahabang panahon para mapatibay ang pakikipag-ugnayan sa mga kapwa nating Pilipino at maging sapat ang kahandaan at makinarya para sa matagumpay na kampanya," dagdag pa niya.
Wala naman daw kinalaman sa “health issues” ang pagbawi niya sa kaniyang kandidatura.
"Wala po. Okay po ako. Siguro meron lang po akong heartache ngayon,” saad ni Lee.
Inaasahang isasagawa ang 2025 midyerm elections sa darating na Mayo 12, 2025.