Tinanggap na ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña, isang stroke survivor, ang paghingi ng paumanhin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos ang naging “offensive comments” nito tungkol sa kaniyang mukha.
Matatandaang nito lamang Linggo ng umaga, Pebrero 9, nang maglabas na ng public apology si Dela Rosa para kay Cendaña dahil sa kaniyang komento rito na: “‘Yang mukha mo, sinapak ng 'di natin alam kaya ngiwi. Lumapit ka nga dito kasi sasapakin kita sa kabilang mukha mo para balanse.”
Ang naturang komento ni Dela Rosa ay may kaugnayan sa sinabi ni Cendaña laban sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na “mas masakit pang maiwanan ng boyfriend o girlfriend kaysa ma-impeach ng House of Representatives.”
MAKI-BALITA: Akbayan sa hirit ni VP Sara hinggil sa impeachment: ‘Teh, hindi ito usapang jowa!’
MAKI-BALITA: Sen. Bato, nag-sorry kay Rep. Cendaña: ‘I failed to see the bigger picture’
Matapos ang public apology ni Dela Rosa, sa isa namang pahayag nitong Linggo ng tanghali, sinabi ni Cendaña na tinatanggap niya ang paghingi ng paumanhin ng senador ngunit sana raw ay humingi rin ito ng tawad sa lahat ng katulad niyang stroke survivor na nasaktan din sa binitiwang salita nito.
“I welcome Senator Bato's apology. I hope he can also do the same to all stroke survivors who were hurt by his remarks,” ani Cendaña.
“Hindi tayo balat sibuyas, pero ibang usapan when a public servant of such high position uses his voice to threaten people with violence and discriminate people with health concerns,” dagdag niya.
Ayon pa sa kongresista, dapat daw na magsilbing aral ang nangyari na dapat magkaroon ng malasakit ang mga lider ng bansa.
“Nawa'y magsilbi itong mahalagang aral, na ang tunay na lider ay hindi lamang may kapangyarihan kundi may malasakit, to keep our political discourse rationale and humane, at ang panawagan ng pananagutan ay hindi personal na atake kanino man kundi responsibilidad ng lahat ng mamamayan,” saad ni Cendaña.