February 09, 2025

Home BALITA Politics

Pagpalag ni Cong. Lray Villafuerte sa campus journalist, inulan ng reaksiyon

Pagpalag ni Cong. Lray Villafuerte sa campus journalist, inulan ng reaksiyon
Photo Courtesy: Lray Villafuerte (FB), TheSPARK (FB)

Pinag-usapan ang pagsita ni Camarines Sur 2nd District Representative Lray Villafuerte sa campus journalist ng isang kolehiyo sa nasabing lalawigan.

Sa Facebook post ni Villafuerte noong Sabado, Pebrero 8, inakusahan niyang “fake” at “biased” umano ang isinagawang 2025 Midterm Elections Preference Polls ng TheSPARK—ang opisyal na community publication ng Camarines Sur Polytechnic Colleges (CSPC).

Bukod dito, sinabihan din niyang nagpapagamit umano ang associate editor ng campus publication na si Fernan Enimendez sa mga taong wala namang pagmamahal sa CSPC, Nabua, at buong Camarines Sur.

“Kawawa naman ito si Fernan Matthew Enimendez na associate editor ng TheSPARK nagpapagamit sa mga taong wala naman tunay na pagmamahal sa cspc, sa bayan ng nabua, lalo na sa bilog ng #camsur,” sabi ni Villafuerte.

Politics

Cendaña kay Dela Rosa: 'Sana ganyan din siya katapang sa China'

Si Cong. Lray ay tumatakbo sa pagkagobernador ng lalawigan. Sa naturang survey, makikitang tila naungusan si Villafuerte ng kalaban niyang si Bong Rodriguez na noo’y regional campaign manager ni dating Vice President Leni Robredo.

Ayon sa ulat ng TheSPARK, “Reforma’s Rodriguez earned almost half of the 498 votes at 43%, while Team One’s Villafuerte got 30%, meaning that the remaining one in every four CSPCeans is still undecided on who to vote for governor, as of the first week of December.”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizen, gayundin sa ilang mga kilalang personalidad gaya ni labor leader at senatorial aspirant Atty. Luke Espiritu sa umano’y pambubully na ginawa ni Villafuerte kay Enimendez.

“Ikinagagalit ko ang nabalitaan kong pambu-bully ni Camarines Sur Congressman Lray Villafuerte sa TheSPARK student publication,” saad ni Espiritu.

Dagdag pa niya, “Nakikiisa ako sa laban ng TheSPARK student publication para sa press freedom. Isa sa mga isusulong natin sa Senado ang pagpapalakas ng Campus Journalism Act sa pamamagitan ng pagpataw ng parusang kulong o multa (‘penal provision’) sa mga lumalabag sa campus press freedom--mapa-school admin, politiko, kapulisan/military, mga organisasyon o personalidad na kanan gaya ng NTF-ELCAC, at iba pa.” 

Bukod kay Espiritu, naghayag din ng suporta si Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel at dating Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) commissioner Jerry Gracio sa TheSPARK.

Ani Manuel, “More power, TheSPARK editorial board and staffers! Kakampi ninyo ang Kabataang Pilipino na lumalaban para sa katotohanan at malayang pamamahayag!”

“Nananawagan ako sa mga school organ hindi lang sa Kabikulan kundi sa buong bansa na kondenahin ang pambabastos na ito ng mayabang at impertinenteng Villafuerte na 'yon,” pahayag naman ni Gracio.

Samantala, pinabulaanan naman ng TheSPARK ang akusasyon ni Villafuerte na sila umano ay bias at ginagamit ng ibang tao para bayaran.

“TheSPARK also denies all allegations of being biased. We are in no business of getting paid nor do we plan to do so. Truth knows no limits,” anila.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas ulit na pahayag o reaksiyon si Villafuerte hinggil sa nasabing isyu. Bukas ang Balita para sa kaniyang panig.