February 10, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Maymay Entrata, umalma sa okray na naka-autotune boses niya

Maymay Entrata, umalma sa okray na naka-autotune boses niya
Photo courtesy: Screenshots from Kapamilya Online Live (YT)

Pinalagan ng Kapamilya actress, model, at singer na si Maymay Entrata ang akusasyon ng isang netizen na naka-autotune ang boses niya nang sumabak siya bilang "TagoKanta" sa segment na "Hide and Sing" ng noontime show na "It's Showtime" kamakailan.

Sa Round 1 pa lang ay natunugan na ng guests na sina Awra Briguela at Argie Roquero, at ng Madlang People si TagoKanta 3, na ito ay walang iba kundi si Maymay Entrata. Sa pag-reveal nga sa kaniya, tama ang hula ng dalawa na si Maymay nga ito, matapos niyang kantahin ang "Wrecking Ball" ni Miley Cyrus.

Samantala, isang netizen naman ang nagparatang kay Maymay na naka-autotune siya.

Ang autotune ay isang teknolohiya sa musika na ginagamit upang baguhin o ayusin ang tono ng boses ng isang singer nang elektronikong paraan. Ito ay madalas gamitin sa pagrerekord ng musika upang mapabuti ang pagkanta ng isang mang-aawit, lalo na sa mga sitwasyon kung saan kailangan ng mas mataas na precision sa tono ng boses. In short, para mas mapaganda ang boses.

Tsika at Intriga

Okay na ba? Andi at Philmar, naispatang kumakain daw kasama ang pamilya

"Ako ang nahiya para kay Maymay Entrata. Bakit nilagyan ng autotune tapos yung ibang Tagokanta hindi nilagyan? Halata tuloy na siya ang Celebrity Singer treewww @maymayentrata07," mababasa sa X post ng user na may pangalang "Maymay Estrada."

Photo courtesy: Screenshot from Maymay Estrada (X)

Hindi naman ito pinalagpas ni Maymay at kinomentuhan.

"Hi po ma’am. Hindi po naka autotune yan, may mga flats pa nga po ako eh.. hihi. Sorry If I wasn’t good enough sainyo. I’ll do better ," aniya.

Si Maymay Entrata ay unang nakilala nang manalo siya sa "Pinoy Big Brother: Lucky 7" noong 2017. Matapos ang kaniyang pagkapanalo, nagkaroon siya ng iba't ibang proyekto sa pelikula at telebisyon, kabilang ang pagiging bahagi ng ABS-CBN.

Isa rin siyang recording artist at naglabas ng ilang kanta, kabilang ang hit single na "Amakabogera," na naging anthem ng women empowerment. Bukod sa pagiging performer, sumikat din siya bilang international model, kung saan naging kauna-unahang Filipina na rumampa sa Arab Fashion Week.

Nakilala rin siya sa kanyang tambalan kay Edward Barber (MayWard), ngunit kalaunan ay nag-focus siya sa kaniyang solo career.