Ilang mga alagang hayop sa Aborlan, Palawan ang hindi nakaligtas matapos tangayin ang mga ito dulot ng pagbaha sa naturang lugar.
Ayon sa Facebook post ng Barangay Plaridel, Aborlan, Palawan nitong Linggo, Pebrero 9, 2025, pawang mga kalabaw at mga manok ang natagpuan nilang patay dulot ng nasabing pagbaha.
Samantala, ayon sa ulat ng 103.1 Brigada News FM-Palawan, aabot sa mahigit 1,000 katao o katumbas ng 218 pamilya ang inilikas sa Aborlan.
Kaugnay nito, ibang karatig-bayan pa sa Palawan ang nakaranas din ng malawakang pagbaha dulot ng magdamagang pag-ulan bunsod ng patuloy na umiiral na shearline.
Idineploy na rin ng Coast Guard District Palawan ang kanilang response group at Special Operations Group (SOG) upang magsagawa ng rescue operations sa mga binahang lugar sa Puerto Princesa City.