Muling namayagpag sa international competition si World’s No. 4 Pole Vaulter EJ Obiena matapos magkamit ng gintong medalya sa Meeting Metz Moselle Athlelor men's pole vault sa France nitong Linggo ng umaga (oras sa Pilipinas), Pebrero 9.
Ito ang kauna-unahang gintong medalyang nasungkit ni Obiena matapos niyang ianunsyo ang ilang buwang pamamahinga matapos magkaroon ng back injury.
Naitala ni Obiena ang 5.70-meter mark. Sumunod kay Obiena si Dutch pole vaulter na nag-uwi ng silver medal habang nasa ikatlong puwesto naman si dating Tokyo Olympics silver medalist Christopher Nilsen.
Matatandaang noong Nobyembre 2024 nang bumaba sa ikaapat na puwesto si Obiena sa world ranking matapos niyang indahin ang naturang back injury.
Nakatakdang kumpletuhin ni Obiena ang kaniyang kampanya sa Linggo ng gabi (oras sa Pilipinas) sa ISTAF indoor sa Dusseldorf, Germany.