Arestado ang isang 48-anyos na driver matapos siyang akusahan ng kaniyang asawa at anak na babae na ikinulong sila sa loob ng container truck sa Baseco, Maynila, sa loob ng tatlong araw.
Kinumpirma ng Manila Police District (MPD) ang pag-aresto nitong Linggo, Pebrero 9, kung saan iniulat nitong nag-ugat ang hidwaan sa pagitan ng mag-asawa sa matagal nang isyu na may kaugnayan sa selos.
Base sa ulat ng pulisya, dinala ng suspek na kinilalang si Alvin Vizcarra ang kaniyang asawa at ang kanilang 3-taong gulang na anak na babae sa isang nakaparadang container truck sa lugar ng Baseco, kung saan puwersahan umanong ikinulong ang mga ito sa loob.
Naalerto raw ang mga awtoridad matapos tuluyang payagang makauwi ang misis at anak ng suspek sa kanilang tahanan sa Bulacan, makalipas ang tatlong araw.
Sa kanilang pagbabalik, agad na nakipag-ugnayan ang misis sa pulisya at iniulat ang insidente.
Sinabi rin ng biktimang bago siya ikinulong sa truck, pisikal pa raw siyang inabuso ng kaniyang asawa.
Inaresto ng mga awtoridad ang lalaki, at ngayon ay nahaharap sa mga seryosong kaso, kabilang ang dalawang bilang ng serious illegal detention at mga paglabag sa ilalim ng mga batas na nagpoprotekta sa kababaihan at mga bata mula sa pang-aabuso.
Diann Ivy C. Calucin