February 08, 2025

Home BALITA National

HS Romualdez at iba pang mambabatas, isinusulong na kasuhan!

HS Romualdez at iba pang mambabatas, isinusulong na kasuhan!
Photo courtesy: House of Representatives

Kasado na ang umano’y kasong isasampa laban kina House Speaker Martin Romualdez, Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, at Zamboanga Rep. Mannix Dalipe kaugnay ng kontrobersyal na bicameral report kaugnay ng 2025 national budget.

Sa isinagawang media forum na pinangunahan ni Davao 1st district Rep. Pantaleon Alvarez nitong Sabado, Pebrero 8, 2025, tahasan niyang iginiit ang umano’y kriminalidad na ginawa ng House Speaker sa nasabing bicam report.

“Siya po ay may ginawang krimen dito sa budget ng 2025. Malaking halaga po ang ipinasok nila na hindi po inaprubahan ng Kongreso, hindi po ito ang napagkasunduan sa bicameral committee. At nagulat na lang kaming lahat, no’ng nakita namin kung bakit yun pong in-email sa amin na bicam report, may mga blangko po ito, ngunit no’ng pinirmahan ng presidente, kumpleto na,” ani Alvarez. 

Pumutok ang isyu hinggil sa umano'y pagkakaroon umano ng blanko sa bicam report matapos itong isiwalat nina dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang episode ng Basta Dabawenyo.

National

Kasong isasampa kina HS Romualdez<b>—laban sa 'korapsyon' at hindi pamumulitika</b>

KAUGNAY NA BALITA: FPRRD sa 2025 national budget: 'There's something terribly wrong!'

Samantala dagdag pa ni Alvarez sa naturang media forum, “At no’ng tiningnan namin kung magkano yung ipinasok nila na halaga ito po ay ₱241 billion, ngayon po, ewan ko kung matatawag nating typographical error ‘yan o grammatical error. Napakalaki po no’ng halaga.”

Kasama rin sa naturang media forum sina Senatorial Aspirant Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Ferdie Topacio at Mr. Diego Magpantay, President of Citizens Crime Watch (CCW).

Nabanggit din ni Atty. Topacio na sa darating na Lunes, Pebrero 10, 2025, nakatakda silang isumite ang kasong “falsification of legislative documents” laban kina Romualdez sa City Prosecutors Office sa Quezon City.

“This is a falsification of legislative documents which is a crime. Krimen po ito, it is a crime that not only under the Revised Penal Code but in view of the amount involved, it is a crime against the Filipino people,” saad ni Topacio. 

Matatandaang nauna na ring depensahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang nasabing bicam report at 2025 General Appropriations Act (GAA), at iginiit na pawang nagsisinungaling lang umano ang kampo nina FPRRD. 

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, dumipensa sa mga alegasyon ni FPRRD sa 2025 nat'l budget: 'He's lying!'