Mismong si Kapuso actress Bianca Umali ang nabigla nang matanong siya sa media conference patungkol sa isyu ng "billing" sa pelikula nila ni National Artist for Film and Broadcast Arts at Superstar Nora Aunor na "Mananambal."
May kumalat daw kasing isyu na tila humiling daw si Bianca na palitan ang laki ng pangalan niya sa posters at promotional materials ng kanilang pelikula ni Ate Guy.
Magalang naman itong sinagot ni Bianca, at ang claim niya, maging siya ay nagulat na may ganoong isyu pala. Para sa kaniya, "inappropriate" ang tanong sa event, at hindi rin alam ng aktres ang tungkol dito.
Pero nilinaw naman ng nagtanong na entertainment editor sa isang lokal na pahayagan na nais lamang daw niyang mahingi ang panig ni Bianca para malinawan na rin.
Nilinaw naman ni Bianca na hindi totoo ang billing issue, at ang makatrabaho ang nag-iisang Superstar sa isang proyekto ay isang malaking biyaya na para sa kaniya. Inilarawan pa nga niya ito bilang isang "masterclass."
Sumagot din ang direktor ng pelikula na si Direk Adolf Alix, Jr. at sinegundahan si Bianca na walang katotohanan ang nabanggit na billing issue.
Bilang direktor daw, alam niya ang tungkol sa "billing" na deserve ng bawat isa, at kung ano raw ang nakikita ng mga tao ngayon sa mga poster at promotional materials, iyon daw ang tama at nararapat.
Samantala, hindi naman nakadalo sa nabanggit na mediacon si Ate Guy dahil sa health concern. Wala naman siyang tugon, reaksiyon, o pahayag tungkol sa isyu.