Binanggit ni Vice President Sara Duterte ang mga aniya'y Leni supporters o mga taga-suporta ni dating Vice President Leni Robredo na pumapalakpak umano sa kaniya sa isinagawang press conference nitong Biyernes, Pebrero 7.
Humarap sa media si Duterte para tugunin ang mga humihingi ng kaniyang reaksyon at komento hinggil sa kaniyang impeachment.
"Ang tanging masasabi ko na lamang sa puntong ito ay God save the Philippines," simpleng saad ng bise presidente.
BASAHIN: VP Sara sa kaniyang impeachment: 'God save the Philippines'
Bago tuluyang matapos ang presscon, binanggit ni Duterte ang mga kasamahan niya sa Office of the Vice President.
"Base sa mga palakpak ng mga kasamahan ko sa Office of the Vice President, okay naman sila," aniya at saka siya muling pinalakpakan ng mga ito.
"Mga Leni supporters pa 'yan ah. Tingnan mo pumapalakpak sila sa akin," hirit pa ni Duterte.
Na-impeach ang bise presidente matapos lumagda sa ikaapat na impeachment complaint ang 215 mambabatas.
BASAHIN: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte
Bukod dito, may humabol na 25 kongresista na pumirma sa naturang complaint dahilan upang umabot na sa 240 ang kabuuang bilang.
BASAHIN: 240 na! 25 pang mambabatas, pumirma sa impeachment complaints ni VP Sara