February 07, 2025

Home BALITA National

VP Sara may mensahe sa mga tagasuporta: 'Unahin ang trabaho kaysa rally sa kalsada'

VP Sara may mensahe sa mga tagasuporta: 'Unahin ang trabaho kaysa rally sa kalsada'
Photo courtesy: screenshot: Office of the Vice President via BALITA/Facebook, PDP Laban/Facebook

Nagpaabot ng maikling paalala si Vice President Sara Duterte para sa kaniyang mga tagasuporta kaugnay ng nakabinbin niyang impeachment. 

BASAHIN: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte

Sa pagharap ni VP Sara sa media nitong Biyernes, Pebrero 7, 2025, pinaalalahanan niya ang kaniyang mga tagasuporta na unahin ang trabaho at negosyo kaysa umano mag-rally sa mga kalsada. 

“Sasabihin ko sa mga supporters, sa taumbayan na unahin muna nila ang trabaho and negosyo nila kaysa mag-rally sila sa mga daan. Dahil marami o lahat tayo breadwinners. So mayroong mga bata o mayroong mga kapamilya na nagdedepende sa atin,” anang pangalawang pangulo.

National

Akbayan sa hirit ni VP Sara hinggil sa impeachment: ‘Teh, hindi ito usapang jowa!’

Iginiit din ni VP Sara na maaari naman daw gamitin ng kaniyang mga tagasuporta ang social media upang ihayag ang kanilang saloobin na hindi iniiwanan ang kani-kanilang mga trabaho. 

“At tayo naman ang social media capital ng buong mundo, kung gusto talaga nilang magsalita at tumulong, doon na lang sila sa social media, kung saan nakakatrabaho pa rin sila pero nagagawa nila kung ano yung nararamdaman nila na gusto nilang gawin. At yun ay magsalita at marinig sila ng taumbayan at ng mundo,” ani VP Sara. 

Matatandaang tuluyang na-impeach ang bise presidente mula sa House of Representatives matapos pangunahan ni presidential son at Ilocos Norte 1st district representative Sandro Marcos ang ikaapat na impeachment case laban kay VP Sara at ang paglagda dito.

KAUGNAY NA BALITA: Sandro Marcos, unang pumirma sa impeachment complaint vs VP Sara